DI PA MAN panahon nitong tinatawag
na ‘campaign period’ ay kita na sa lahat
ng dako itong nagsulputan kaagad
na sobra kaaga r’yang ‘campaign materials’
Kung saan lalo na itong sa lokal lang
na mga ‘aspirants,’ (bago at datihan),
Oktubre pa lang ng taong nakaraan,
may billboards at posters na ang karamihan.
Tama’t walang nasasaad na iboto
muli si Mayor at kayang kapartido,
pero malinaw na nakasulat mismo
sa ‘advertisement’ kung para saan ito.
Kasama pati na mga Konsehales,
Bokal, Kinatawan, saka Senadores,
Governor, Vice Gov at kabilang sa ticket,
gaya halimbawa riyan ng ‘party-lists’.
Na hayan, lantaran ng may nakapaskil
ng mga posters na gawa sa tarpaulin
at plyboard, na ang size o laki lampas din
sa sukat na aprub ng Comelec natin.
Subalit hindi pa man nga ‘campaign period’
ay lantaran nang sa iba’t-ibang sulok
ng mga barangay, kabayanan, lungsod
ang mga naturang di pinapahintulot.
O ang COMELEC ay di sapat ang ngipin
upang ang ganito ay kanyang kwestyonin,
ipagbawal at o kaya ipatigil;
at kasuhan sila ng ‘Electioneering?’
Aba’y lantaran ng sa tungki ng ilong
nitong mga Commissioners ang ganitong
direktang paglabag pero hanggang ngayon
di pa magawan ‘yan ng akmang solusyon?
O nang dahil na rin sa itong Commission
on Election sadyang inutil sa ‘lawful
and eff ective measures’ na makatutugon
sa ganyang klase ng mga ‘violations?’
Kundi man marahil inutil ang batas
para sa eleksyon nitong Pilipinas,
kung kaya’t di nila kayang ipatupad
ang naaayon at sadyang nararapat?
Di kaya ang tamang solusyon, susugan
ang ‘ruling’ hinggil sa bagay na naturan
nang sa gayon itong tamang kalakaran
sa eleksyon natin magka-’ngipin’ naman?
Komo ba wala pang ‘Vote for’ o Ihalal
(si Pilato, bilang Mayor o Congressman)
sa kanyang posters ay di puedeng kasuhan
kahit ‘obvious’ na ‘yan ay ‘campaign material?
Gaya ng malinaw na ang nakasulat:
“FORmer MAYOR” ito pa ba’y hindi sapat
na ‘yan ay direktang pasimpleng paglabag
ng gustong bumalik sa puesto niyang hawak?
Kung saan bunsod ng maagang pag-gasta
tiyak ibayo ang susunugin nila
para lang manalo, kaya ang resulta,
ay di nalalayo sa gawa ng iba.
At sa kabang-bayan din isingil piho
nang mauupo sa alin pa mang puesto;
kaya suma total – kaha ng gobyerno,
ang malilintikan kapagka nanalo?!