Comelec, may ‘lapses’ sa kaso ni Among Ed?

    531
    0
    SHARE
    Kung totoong di lahat ng “ballot boxes”
    Ay binuksan para sa “recounting process,”
    Sa ganang amin ay mali ang  Comelec,
    At sila ang dapat sisihin sa “lapses”

    Kung bakit posibleng lumamang at sukat
    Si Aling Lilia sa “recount” na ginanap,
    Pagkat ang boto ng taga Mabalacat
    Ay di yata nila naisamang lahat?

    Natural lamang na bababa ang bilang
    Ng lamang ni Among sa puntong naturan,
    Na kung saan talo ang kanyang kalaban
    Ang di isinama sa mga nabilang.

    Anong silbi nitong “recount” na ginawa
    Ng Comelec kung di rin lang naman tama
    Ang prosesong dapat sundin kaipala
    Upang ang totoo’y malaman ng madla?

    O baka naman may himala sa likod
    Nitong sa akala nga natin ay “recount,”
    Kung kaya ang “over” kay Pineda ni Gob
    Ay lumipad at ang isa ang umungos?

    Nakapagdududa nga kasi kung bakit,
    Tama’t nagkaroon ng mga pagdinig
    Na inabot ng dalawang taong mahigit,
    Pero ang resulta’y may kaunti pang bahid

    Ng alinlangan at may nababanaag
    Na “cloud of doubts” pa rin sanhi ng di lahat
    Ng balota (gaya ng sa Mabalacat)
    Ay isinama sa mga  binulatlat?

    Suma total, walang saysay kung ganoon
    Ang anumang “findings” ng ating Komisyon
    Sa Halalan hinggil dito sa Petisyon
    Ni Pineda laban sa “priest-turned-governor?”

    Pagkat sabi’y wala silang tinutukan
    Kundi ang muli nga lang nilang binilang
    Ang mga balota, at di na binigyan
    Ng pansin ang hinggil sa isyung dayaan

    Ano’t ubod namang pagkahaba-haba
    Ng resolusyon o desisyong ginawa,
    Na umano ay di kukulangin yata
    Sa “eleven thousand pages” ang natala?

    Kung “recounting” lang ang “stenographic notes”
    Na nilalaman ng isinaling report
    Ng kung ilan masisipag na “Clerk of Court,”
    Na nag-”computer” ng lumabas na utos.

    Aba’y kahit alin pa mang tele-serye,
    Ng “soap opera” o palabas sa sine,
    Ang “script” n’yan – pati ang kay ninunong Noe 
    Sa “Ten Commandments” ay di kasing haba, eh!

    Na sinulat nga ng mga magagaling
    Na Komisyoners ng halalan po natin;
    Itong pang-”Believe it or Not” na marahil
    Ang naturang bagay kung bibigyang pansin!

    O baka pati na bayang sinilangan
    Ni Among Ed, at kung sino ang magulang
    At mga kapatid ay isinama riyan,
    Kung kaya ito ay humaba ng ganyan?

    Kasi, anhin man nga po nating isipin
    Ay talaga namang mahirap arukin,
    Kung anu-ano ang nagawang sulatin
    Ng mga yan hinggil sa ginawang “hearing”

    Na inabot nga ng halos tatlong taon
    Bago naresolba ang simpleng petisyon;
    Kung saan, oo nga’t mayrun nang desisyon
    Pero may ulap pa manding nakalambong?


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here