Home Headlines Coffee processing center sa DRT, bukas na

Coffee processing center sa DRT, bukas na

717
0
SHARE

Pingunahan ni Gov. Daniel Fernando ang pasinaya sa coffee processing facility na magsisilbing gilingan at balutan ng mga naaaning kape. Kuha ng PIA-3


 

DONYA REMEDIOS TRINIDAD, Bulacan — Pinasinayaan na sa bayang ito ang  bagong tayong coffee processing facility na magsisilbing gilingan at balutan ng mga naaaning kape sa Barangay Talbak.

Ayon kay Agriculture Undersecretary Evelyn Lavina, pinondohan ito ng P2.1 milyon mula sa alokasyon ng ahensya sa Bayanihan to Recover as One Act o RA 11494. Isa aniyang prayoridad na industriya ang kape kaya’t nilaanan ng pondo upang makatulong sa economic recovery.

Pangangasiwaan ito ng Talbak Fruits and Coffee Growers Inc. na kinabibilangan ng nasa 213 na mga nagtatanim ng kape sa nasabing barangay.

Sa loob ng pasilidad na pinondohan ng DA, inilagak ang mga kasangkapan na ipinagkaloob naman ng Department of Trade and Industry sa ilalim ng shared-service facility na nagkakahalaga ng P230,000.

Sinabi ni DTI provincial director Edna Dizon na kumpleto sa mga pangunahing kasangkapan at kagamitan ang ipinagkaloob ng ahensya gaya ng mechanical solar dryer na patuyuan ng mga beans ng kape, winnower machine na naghihiwalay ng mga laki o liit ng mga beans, mellanger machine o gilingan, moisture meter o ang sumusukat kung tuyo o hindi pa ang mga beans at ang timbangan.

Kaugnay nito, tiniyak ni Gobernador Daniel Fernando na patuloy na magsasagawa ng iba’t ibang pagsasanay ang provincial agriculture office para sa mga magkakape sa Donya Remedios Trinidad upang tunay na maiangat ang antas ng kabuhayan at kalidad ng mga produktong Kape.

Dahil sa tumataas na bilang ng mga turistang umaakyat sa nasabing bulubunduking bayan, minarapat ng mga kasapi ng Talbak Fruits and Coffee Growers Inc. na magtayo ng isang kapihan na ngayo’y patuloy na dinarayo. Iba pa ito sa mainam nang kalidad ng packaging na iniluluwas sa malalaking merkado sa Metro Manila. — Shane F. Velasco/PIA-3

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here