Coco Martin tinulugan lang ang Valentine’s Day

    336
    0
    SHARE

    Wala pa rin daw lovelife si Coco Martin kaya aniya, noong nakaraang Valentine’s Day, natulog lang siya.

    “Kasi ’yun lang po ’yung time ko na walang trabaho, eh. Natulog talaga ako kasi ’yun lang talaga ang time ko.

    Araw-araw kasi ang trabaho ko, eh. Kung wala akong taping, nagsu-shooting ako ng movie, tinatapos ko ’yung movie namin ni Angeline (Quinto). Tapos, may mall show pa kami dito sa Walang Hanggan.

    Kaya everyday po talaga, nagtatrabaho ako,” sey ni Coco nang makausap namin sa taping ng Walang Hanggan sa Antipolo.

    Kumusta sila ng leading lady niyang si Julia Montes, wala pa bang nagaganap na ligawan?

    “Wala po, bantay-sarado ng lola niya, eh,” natatawa niyang sabi.

    So, hindi nga niya maligawan?

    “Bata po, eh. Sa akin naman kasi, baka ’pag hinaluan ko ng ano, baka magkaroon pa ng problema pagdating sa set.

    “Kunyari magkaroon kayo ng ano, halimbawa, may away, magkakailangan pa. Eh, ngayon, masaya kami, eh.

    “Kahit na alam naming mahirap ang proyekto, ’pag magkakasundo kayo, nagiging magaan, nagiging masaya.”

    Wala naman siyang nararamdaman na parang may gusto sa kanya si Julia?

    “Parang wala naman. Hindi yata ako ang type nu’n, eh,” natatawa pa niyang sabi.

    Eh, ’yung isa pa niyang leading lady, si Melissa Ricks?

    “Si Melanie (tawag niya kay Melissa), kumbaga, pareho kami ng RM (road manager), eh, dati pa naman, magkaibigan na kami.”

    Hindi ba siya nabo-bore na wala siyang lovelife?

    “Hindi naman. Hindi naman ako naghahanap, kasi sabi ko nga, sa pagod. ’Di rin magwo-work kung saka-sakali. Parang it’s better na ipahinga ko na lang.

    “Kasi, kaya sinasagad ko na ngayon (ang pagtatrabaho), alam ko namang darating din ang time na mag-iiba ’yung… iikot din ’to, eh.

    “So, sabi ko, habang okey, habang dire-diretsong blessings ’yung dumarating sa akin, sasagarin ko na.

    “Para ’pag dumating ang araw, wala akong pagsisisihan na ‘bakit ’di ko na lang pinagbuti ’yung trabaho ko, inuna ko ’yung barkada saka lovelife?’

    “Parang sa akin, unahin ko na muna itong trabaho. Kasi ’pag dumating na ang time na hindi na ganito, mas mahabang panahon para mag-focus ako doon.

    “Kasi ang tagal ko namang hinintay ’to. Hindi naman ako nagsimula na parang biglang naisipang kong mag-artista tapos, eto na.

    ‘Dumaaan ako sa indie (independent film), ilang beses akong sumubok sa TV, hindi ako pinapansin. Ilang beses din akong ni-reject ng TV.

    “Kaya sabi ko, nang dumating talaga sa akin ang pagkakataon, sabi ko, magpo-focus talaga ako at kung anuman ang kaya kong gawin, isasagad ko na,” aniya.

    Labis-labis ang pasasalamat niya sa ABS-CBN dahil naikot na raw niya ang lahat ng istasyon at huling-huli niyang napuntahan ang Kapamilya network.

    Pero ito pa raw talaga ang nagbigay ng todo-todong pagkakataon sa kanya para ipakita ang kanyang kakayahan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here