PAREHONG itinanggi nina Coco Martin and Julia Montes na may lihim silang relasyon tulad ng napapabalita.
“Work po muna. At sa ganitong opportunity po, dapat talagang mag-focus muna sa work,” say ni Julia sa presscon ng Ikaw Lamang. Say naman ni Coco, ang nakikita lang daw siguro ng mga tao sa kanila ay chemistry.
“Siyempre, hindi naman nila alam kung ano kami pag wala kami sa camera bilang magkaibigan. Actually, ‘yun nga, parang masyado akong nagiging kuya kapag magkasama kaming dalawa,” say ni Coco.
So, ano talaga ang meron sa kanila sa likod ng camera? “Kaibigan. Kuya? Medyo mahaba na rin kasi talaga (ang pinagsamahan). Before Walang Hanggan pa, magkakilala na kami ni Julia, magkaibigan na kami, pati si lola, parang pamilya na kami,” say ni Coco.
Tinutuldukan na ba niya na kuya lang siya sa buhay ni Julia? “Siyempre, hindi naman. Kumbaga, ano pa ’yun.
Actually kasi, everytime na nagkukuwentuhan kami, sabi ko nga, halos pareho kami ng buhay, eh. Kami ngayon ang tumatayong halos padre de pamilya sa buhay namin and lumaki rin siya sa lola.
“Kumbaga, may mga similarity kami sa buhay. Kung baga, parang nakikita ko sa kanya ang sarili ko, para siyang babaeng version ko,” say pa ni Coco kaya lalo silang tinukso ng press.
Aminado naman silang pareho silang excited na magkasama ulit ngayon sa Ikaw Lamang since matagal tagal na rin silang hindi nagkakatrabaho ulit. Ang huli nilang pagsasama sa serye ay Walang Hanggan in 2012.
Samantala, nahingan din ng pahayag si Julia hinggil sa reaksyon ng mga fans nila ni Coco na ginawa na lang siyang support sa Ikaw Lamang samantalang dati ay silang dalawa ang laging magkapareha.
“Ako po, para sa akin, wala naman ‘yung term na bida, bida-kontrabida or kontrabida. Para sa akin, makasama sila, honored na po ako do’n at mapasama sa ganito kagandang proyekto.
“Para sa akin, ang maipapramis ko lang sa inyo, kung kaninuman po ito iaalok, siguradong hindi rin magdadalawang-isip.
“So, on my part po, malaman ko lang na ito ang project, siguradong go na po ako at makasama ko ang mga ganito kagagaling, sino po ba ang hihindi.
“So, ayun po, masaya ako na maging part ng Ikaw Lamang,” say ni Julia. Pero sinigurado naman sa Dreamscape Productions people na hindi lang basta support si Julia sa Ikaw Lamang dahil napakaganda raw ng role nito at may layers ang kanyang karakter kaya abangan na lang.
Magsisimula na sa March 10 ang Ikaw Lamang na pinagbibidahan nina Coco, Kim Chiu, Jake Cuenca and Julia. Kasama rin sa powerhouse cast sina Angel Aquino, Tirso Cruz III, Ronaldo Valdez, John Estrada, Ronnie Lazaro, Cherry Pie Picache, Cherrie Gil, Lester Lansang, Meryll Soriano, mga child stars na sina Zaijian Jaranilla, Xyriel Manabat, Alyanna Angeles and Louise Abuel.