Animo’y walis tingting ang mga kawayang itinayo upang pagkawitan ng mga lambat na nagsisilbing bakod sa isdang aalagaan sa fishpen na ito sa Barangay San Roque sa bayan ng Hagonoy. Nasa kaliwa ang isang fishpen na may bahay sa dulo.
KUHA NI DINO BALABO
HAGONOY, Bulacan—Ang pagtatayo ng coastal highway sa baybayin ng Bulacan ang solusyon sa nawawasak na mga palaisdaan sa bayang ito, ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado.
Inayunan din ito ni Mayor Raulito Manlapaz bilang pangmatagalang solusyon, ngunit ang kailangan nila ay madaliang solusyon kaya’t humingi siya ng ayuda upang magamit ang draga ng Kapitolyo sa pagkukumpuni sa mga nawasak na pilapil ng palaisdaan.
Ayon kay Alvarado, nasimulan na ang P2.2-bilyon Valenzuela, Obando, Meycauayan (VOM) flood control project at kailangan na lamang ito palaparin upang maging kalsada na rin. “Hitting two birds with one stone ito kapag yung flood control ay ginawa na ring coastal road,” sabi ng gobernador na noon pang 2010 ay isinusulong na ang pagbuhay sa panukalang coastal highway sa Bulacan.
Ipinaliwanag ni Alvarado na bukod sa mapipigil ng coastal road ang high tide o pataas ng tubig sa dagat, magsisilbi ring lansangan ang coastal road na mag-uugnay sa Kalakhang Maynila, Bulacan, Pampanga at Bataan.
Bukod dito, mas mabibigyang proteksyon ang mga nawawasak na palaisdaan na nilalamon ng karagatan partikular na sa bayang ito. Una rito, sinabi ni Mayor Manlapaz na mahigit na sa 1,000 ektarya ng palaisdaan na nakadelintera sa Manila Bay ang nawasak sa nagdaang apat na taon.
Kinumpirma din niya na ilang namamalaisdaan ang hindi nagsasagawa ng rehabilitasyon sa kanilang binubuwisang palaisdaan at sa halip ay hinahayaan o sinasadya na lamang masira ito. Kapag nasira, binabakuran ng kawayan
na may lambat ang palaisdaan upang maging isang fishpen.
Ang mga kalagayang ito ay unang nasaksihan ng Punto sa pagsasagawa ng Lakbay Coastal noong Pebrero 28.
Ngunit noong Marso 24 ay nasaksihan ng Punto ang mas malaking bahagi ng baybayin ng Hagonoy na halos wala nang bakawan. Dahil dito, ang mga pilapil ng mga palaisdaan ay winasak na ng alon partikular na sa bahagi ng Barangay San Roque sa bayang ito.
Gayunpaman, hindi sumuko ang mga namumuwisan at namamalaisdaan. Sa halip na kumpunihin ang mga pilapil ay binakuran nila ito ng lambat at ginawang fishpen. Bilang alkalde ng Hagonoy at isa ring namamalaisdaan, sinabi ni Manlapaz na nakakasira sa kalidad ng tubig ang operasyon ng mga fishpen dahil gumagamit ito ng aqua feeds.
Ipinaliwanag ni Manlapaz na ang malalaking namamalaisdaan sa bayang ito ay nagsisigamit din ng aqua feeds, ngunit mas nakakaapekto pa rin ang fishpen.