IBA, Zambales – Sa kabila ng masungit na panahon dala ng bagyong Ruby na maaring manalasa sa lalawigan ng Zambales, tuloy ang pagbubukas ng Central Luzon Regional Athletic Association (CLRLAA) nitong Lunes ng hapon sa bayang ito.
Hindi inalintana ng mga atleta ang pag-ambon at sinamantala nila ang makulimlim na panahon nang isagawa ang kanilang parada. Nagsimulang nagsipagdatingan ang mga atletang kalahok noong Sabado mula sa anim na probensiya at dalawang siyudad sa rehiyon.
Ito ang Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Olongapo City at Angeles City. Dumalo sa nasabing okasyon si Zambales Gov. Hermogenes Ebdane, Jr., kasama ang iba pang mga lokal na opisyal ng lalawigan at mga kinatawan ng Department of Education (DepEd).
Makinista patay
SUBIC BAY FREEPORT – Patay habang ginagamot sa pagamutan ang isang machime operator makaraan itong maipit ng makina sa Junken Sangyo (Phil.) Corp. sa loob ng Subic Freeport. Kinilala ang biktimang si Adjutor Mangohig, 24, residente ng Botolan, Zambales.
Ayon sa ulat inaayos ng biktima ang horizontal saw machine nang bigla na lang itong umandar at maipit ang mukha nito sa bakal habang ito ay nasa ilalim ng makina. Nabatid pa na natagalan bago naireport sa SBMA Law Enforcement ang insidente kung kaya matagal din bago natanggal sa pagkakaipit ang biktima.