Naka-lockdown hanggang sa kasalukuyan ang Bulacan CIDG office dahil sa mga personnel at preso dito na nagpositibo sa Covid-19. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Ini-lockdown ang dialysis center at opisina ng Criminal Investigation and Detection Group sa Bulacan Provincial Capitol Compound matapos magpositibo sa Covid-19 ang dalawang nurse, anim na operatiba ng CIDG, at tatlong detinado.
Ayon kay Gov. Daniel Fernando, inutos niyang i-lock down na ang dialysis center sa Bulacan Medical Center sa loob ng dalawang araw para i-disinfect.
Ani Fernando, ang isa sa dalawang nurse na nagpositibo ay may sintomas ng virus habang ang isa ay asymptomatic ngunit kapwa naka-isolate na ang mga ito.
Sinasabing posibleng nahawa ang mga nurses matapos may isang nagpa-dialysis dito na may Covid-19.
Samantala, ipinag-utos din ni Fenando na i-lock down sa loob ng 14 na araw ang tanggapan ng Bulacan CIDG at hindi maaring lumabas ng tanggapan ang mga personnel dito sa loob ng quarantine period.
Aniya, pawang mga asymptomatic ang lahat ng mga nagpositibong CIDG personnel at tatlong preso.
Sa katunayan ay mga nag-eehersisyo pa sa loob ng selda ang mga presong nagpositibo sa sakit at hindi nakitaan ng mga sintomas.
Nais ni Fernando na muling kuhanan ng swab test ang mga nagpositibo sa virus pagkatapos ng pitong araw bago pagpasyahan kung iaalis na ang lockdown.