Ang tungkol kay Edna David at Cicero,
Hinggil sa kung bakit sila lang pareho
Ang wala ni kahit kupas na litrato
Na nakasabit sa ‘lobby’ ng Capitol
Bilang ating mga naging Gobernador,
Gaya halimbawa nina Tang’ Bren Z. Guiao,
Lazatin, Mendoza at Urbano Dizon.
(Salamat, bagaman ika nga’y huli na
At ‘six feet below the ground’ na itong isa
Na si Edna David, saka kinilala
Ang pagiging tunay na Gobernador niya!)
Si Cicer Punsalan ay di lang umakto
Bilang ‘caretaker’ sa ating Kapitolyo,
Kundi pinalitan niya si Estelito
Nang maging ‘Minister of Justice’ na ito
At siyang ‘Solicitor General’ din noon
(Liban sa iba pang kaloob ni Macoy)
Kaya’t nang lisanin nito ang Capitol
Ay si Cicer na ang naging Gobernador!
‘Vice Governor’ noon si Cicer Punsalan
Kung kaya nga’t siya ang may karapatan
Na pumalit – at di ‘caretaker’ lang bilang
Kundi ng ‘lawful successor’ ng lumisan.
At di nagsilbi ng ‘few days’ lang o linggo
Kundi ng ilang buwan din sa Kapitolyo,
Kaya’t marapat lang sa naturang punto
Na mapabilang din ang pag-upo nito
Bilang isa sa’ting naging Gobernador
Dito sa Pampanga at habang panahon
Na maging bahagi ng ating kahapon
Ang sa kasaysayan naging kontribusyon.
Kaya ang prosesong ginawa kay David
(Na umupo noong suspended si Lapid)
Ang siyang kay Cicer din natin gawing ‘basis’
Upang ang pag-pasa ay medyo bumilis.
Nang sa ganun habang siya ay buhay pa
Ay personal niyang ma-‘enjoy’ kumbaga
Ang ‘recognition’ na marapat sa kanya
Bilang naging Gobernador ng Pampanga
Pagkat kagaya nga ng ating nasabi
Ay hindi marapat na maisantabi
Ang kahalagaan sa ating ‘History’
Ng anumang bagay na kapuripuri.
Na kagaya nga ng naging papel nina
Atty. Punsalan at Board Member Edna,
Kung saan tunay namang naglingkod sila
Bilang marangal na anak ng Pampanga.
Kung ang dorobo at mga walanghiya
Ay isinasama sa naging dakila,
Itong mabubuting opisyal pa kaya
Ng pamahalaan ang basta mawala?
At saka anumang naging bahagi na
Ng kasaysayan ay dapat ipreserba,
Kaya ito pa bang malinis talaga
Sa panunungkulan ang di maisama?
Sa marapat bigyan ng ‘due recognition’
Bilang opisyal na naging Gobernador,
‘Since both deserve to have a niche of their own
At the lobby of our Provincial Capitol?’