BALANGA CITY — Dinarayo ng maraming tao ang kabubukas na Christmas Food Expo at Night Bazaar sa lungsod na ito sa Bataan tulad na lamang noong Linggo ng gabi.
Dalawang replica ni Santa Claus ang tila nakabantay at nag-aanyaya sa mga tao upang pasukin ang kainan na may mga mesa sa loob ng mga improvised tent at maging sa open air.
Iba-ibang bar-b-que, delicacies, goto, shawarma, inihaw na bangus, tilapia at pusit, unlimited rice at marami pang iba ang mapagpipilian.
May isa pang tindahan na may inihaw na manok na pula raw. Sa mahilig kumanta, may videoke sa isang sulok. Siyempre, dahil magpapasko na, hindi nawawala ang bibingka at puto bumbong.
Nagsimula na rin ang Christmas Night Bazaar na magiging bukas gabi-gabi hanggang sa Bagong Taon.
Isang mang-aawit ang lumilibang sa mga tao habang abala sa pagtingin at pamimili ng mga sari-saring gamit kabilang ang mga laruan ng mga bata, damit, tsinelas, sapatos, silver jewelries, relo at mga gamit sa bahay.
Maging mga carpentry at mechanical tools ay meron din. Halos buong pangangailangan sa sambahayan ay mabibili roon sa halagang bargain, ika nga.
Ang food expo at night bazaar ay proyekto ng Balanga City government sa pangunguna ni Mayor Francis Garcia.