HERMOSA, Bataan- Sumambulat ang magandang liwanag mula sa mga sari-saring Christmas decorations sa municipal hall, plaza at simbahan ng Hermosa, Bataan matapos ang countdown ng Christmas Lighting Ceremony Biyernes ng gabi.
Ang mga kaakit-akit na pamaskong palamuti ay nagbigay ningning sa biglang nagliwanag na gabi na dinaluhan ng maraming tao at pumuno sa bawat sulok ng plaza,


Pinangunahan ni Lawyer Anne Adorable Inton, mayor ng Hermosa, ang pinakahihintay na countdown kasama sina dating Mayor Jopet Inton, Gov. Jose Enrique Garcia III, Ist district Congressman Tony Roman at mga kasapi ng Sangguniang Bayan.
Lahat halos ng mga tao ay nakatingala habang minamasdan ang makulay na fireworks display sa kalangitan.


Binasbasan ni Rev. Fr. Ernesto De Leon ng Hermosa Catholic Church ang ceremony at mga Christmas decorations. Mapalad, aniya, ang gabi dahil nasabay sa kapistahan kinabukasan, Disyembre 13, ni Santa Lucia na ang ibig sabihin ng Lucia ay liwanag.
Halos hindi naman natigil ang pagkuha ng larawan kasama ni GMA artist Yasser Marta habang naghihintay ng oras upang maghandog ng awitin. (30)



