LUNGSOD NG MALOLOS—Umani ng pagbatiko sa mga historyador ang deklarasyon ng Malakanyang na special non-working holiday sa Lunes, Enero 23, bilang pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ito ay dahil sa hindi nabigyang pansin ang ika-113 guning-taon ng Unang Republika ng bansa na pinasinayaan sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito noong 1899.
Gayunpaman, magsisilbing panauhing pandangal si Bise Presidente Jejomar Binay sa nasaping pagdiriwang na kinikilala ng mga historyador na kauna-unahang demokratikong republika na iniluwal sa mga kontinente ng Asya at Africa.
Ayon kay Jimmy Corpuz, pangulo ng Heritage Conservation Society-Bulacan chapter (HCS-Bulacan), ang kawalan ng pagkilala ng pamahalaang pambansa sa pagpapasinayan sa Unang Republika ay isang insulto sa mga bayani ng bayan.
“Isang malaking sampal at insulto sa kagitingan ng ating mga bayani ang lumimot sa kanilang kabayanihan at ating dakilang kasaysayan,” ani Corpuz.
Binigyang diin pa niya na ang mababaw na pananaw ng pamahalaang pambansa sa kasaysayan ng bansa ay katumbas ng isang paglapastangan sa kagitingan ng mga bayani at dalisay na kasaysayan ng bansa.
Inayunan din ito ni Dr. Jaime Veneracion, ang pangunahing historyador ng lalawigan na nagtuturo sa University of the Philippines. Noong Biyernes, si Veneracion ay nakipagpulong sa mga guro ng kasaysayan mula sa sanga ng pamantasang San Beda sa Alabang.
Ayon kay Veneracion, maging mga guro ng San Beda-Alabang ay naniniwala na ang deklarasyong special non-working holiday ng Malakayang para sa araw ng Lunes ay bahagi ng akomodasyong pampulitika.
Binigyang diin niya na ito ay nagpapakita ng “lack of sense of history” o kamalayang pangkasaysayan ng mga namumuno sa bansa.
Inayunan din ito nina Cesar Villanueva ng Bulacan, at Abogado Edre Olalia, ang secretary General ng National Union of People’s Lawyers (NUPL).
“Nakakainsulto sa alaala ng ating mga bayani ang lack of sense of history,” ani Villanueva.
Iginiit pa niya na, “mas nakakabahala ay kung iniiwasan natin ang isyu dahil nahihiya tayo sa Amerika na siyang umagaw ng ating kalayaan at dumurog sa Unang Republika.
Tinangka rin ng mamamahayag na ito na kunan ng pahayag si Abogado Edwin Lacierda, ang presidential spokesperson sa pamamagitan ng pagpapahatid sa kanya ng text message patungkol sa pananaw na kung ang deklarasyon ng Malakayang ay bahagi ng akomodasyong pampulitika o kawalan ng kamalayan sa kasaysayan.
Tumugon naman si Lacierda sa pamamagitan ng isang text message kung saan ay sinabi niyang, “Sorry, I cannot dignify that answering that question. The question suggests a lack of understanding of the contribution of the Filipino Chinese in our commerce, culture and history.”
Ang tugong ito ay sinundan pa ni Veneracion ng dagdag na komento kung saan ay sinabi niya, “how about the valor, sacrifice and greatness of our revolutionary heroes? Kakatawa naman siya.”
Una rito, ipinaliwanag ni Isagani Giron, ang president emeritus ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka) na ang Enero 23 ay isa sa pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng Pilipinas bilang isang bansa.
Ayon kay Giron, ang Enero 23 ay ang pagsilang ng Unang Republika ng bansa na kinikilala bilang kauna-unahang demokratikong republika sa mga kontinente ng Asya at Africa.
Gayunpaman, sinabi ni Giron na sa kabila ng kahalagahan ng nasabing araw, ito ay nakakalimutan ng mga pinuno ng bansa.
Bilang pagbabalik tanaw sa kasaysayan, sinabi ni Giron na ang deklarasyon ni Heneral Emilio Aguinaldo ng kalayaan sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898 ay nagluwal sa isang rebolusyunaryong pamahalaan.
Ang deklarasyon ni Aguinaldo ay nabigyan lamang ng pagkilalang demokratiko nang ito ay pagtibayin ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 29, 1898. Ang Kongreso ng Malolos ay nagbukas noong Seytembre 15, 1898.
Iginiit din ni Giron na ang pinakadakilang kontribusyon ng Kongreso ng Malolos sa kasaysayan ng bansa ay ang pagluluwal at at pagpapasinayan nito sa Unang Republika ng bansa noong Enero 23, 1899.
Gayunapaman, sinabi niya na ang nasabig republika ay hindi nabigyan ng pagkakataon yumabong dahil sa pagsabog ng digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano matapos ang dalawang linggo.