NOONG SI Ninoy ang nasa katungkulan
ay naging mapuri at di nadungisan
ang pangalan niya sa mata ng bayan
sa kahit anumang hindi ikarangal
Hanggang sa siya ay alisin sa landas
nitong anila ay gumamit ng dahas
at nagpairal ng ibang klaseng batas
para manatili sa posisyong hawak
(Na hinihinala ng nakararami
ay siyang nagpapatay sa kabiyak ni Cory;
Pero naluklok man bilang Presidente
si Madam, ang krimen – ‘still a mystery’)
Pero ganun ma’y di sumagi sa isip
ni Madam Cory na kanyang mapalawig
sa Malakanyang ang kanyang ‘term of office’
upang ang tunay na utak ay madakip.
Kundi matapos ang anim na taon niyang
pag-upo sa Palasyo ng Malakanyang,
Ni ‘ah’, ni ‘oh’ ay di siya nagparamdam
para mahabaan ang panunungkulan.
Sa puntong ito ang ating ninanais
tapunan ng pansin ay ang di paglihis
ni Ninoy at Cory sa tunay at tuwid
na daan, na ngayon ay gustong ilihis
Ng kanilang napakatalinong anak,
na nang dahil lang sa sulsol ni Mar Roxas
(Na wala nang tsansa yatang maka-akyat
para maging Pangulo ng Pilipinas)
Ay pikit-mata siyang nagpapati-anod
kay Mar at iba pang mga nanghihimok,
para lamang makapag-sipsip ng lubos
kay Presidente sa paraang baluktot.
At kaya marahil nagtitiyaga na lang
bilang ‘side kick’ ni Sir (kasi wala na siyang
pagasang mapuesto kahit sa mababang
‘elective position’ sa pamahalaan?)
Dala na rin nitong kung ga’no kasikat
si Mar bilang ‘Mr. Palengke’ ang bansag
‘in year 2010,’ ay biglang bumagsak
sa napakababa ang popularidad.
Kung kaya imbes siya ang magpapatuloy
‘comes year 2016’ pagbaba ni PNoy,
ay ‘Cha-Cha’ o kaya posibleng ‘extension’
ng ‘term of offi ce’ ng Amo ang isulong?
Kahit pa man batid mismo ng Pangulo
na ya’y kapintasan sa kanyang gobyerno?
At ‘self-serving’ mandin sa naturang punto
kapag hinayaang maisulong ito?
At kung saan alin sa madaling sabi
ang hinarang noon ni Pangulong Cory
(Nang si Gloria Arroyo ang Presidente)
Ang nais ngayon ni PNoy na mangyari?
At saka kung ganyang mas nakararami
yata sa Congress at sa Senado pati
ang ika nga’y medyo madaling mabili,
ya’y natural lang na magiging kampante.
Mantakin mo namang sa laki ng PDAF
at DAP na mabilis nilang makulimbat,
nang dahil kay PNoy – ano’t di papayag
ang iba pa upang ‘Cha-Cha’ ang itulak?
Pero kung kami ang siyang papipiliin
Hinggil sa isyung yan mas makabubuting
‘Character Change’ dapat ang isulong natin
Kaysa ‘Charter Change’ na abuso ang dating!