Ipinakita sa media ng pamahalaang bayan ng Macabebe ang mga ikinalat na CCTV at WFfi connections na gagamitin sa gitna ng nararanasan na Covid-19 pandemic. Kuha ni Rommel Ramos
MACABEBE, Pampanga — Ikinalat sa mga strategic location dito ang mga CCTV at WiFi connections para makatulong na i-monitor ang mga lalabag sa modified enhanced community quarantine at magamit din ng mga estudyante para sa on-line schooling.
Ang mga CCTV at free WiFi ay malaking tulong daw sa panahon ng pandemya lalo na sa mga checkpoint at maging sa mga estudyanteng posibleng magbabalik eskwela sa pamamagitan ng internet.
Ayon kay Macabebe police chief Major Michael Chavez, malaki ang maitutulong sa kanila ang mga CCTV na konektado sa WIFI internet para ma–monitor nila ang lugar na mga may lalabag sa social distancing,walang mga suot na facemask, at monitoring sa mga checkpoint.
May direct access sa mga nakakalat na CCTV ang Macabebe police kaya mabilis din na makareresponde sakaling may maganap na mga untoward incidents.
Samantala, ayon naman kay Mayor Leonardo Flores, ang libreng WiFi connections ay bilang maagang paghahanda sakaling simulan na ang on-line schooling dahil sa pandemya sa buwan ng Agosto.
Aniya, hindi lahat ng residente ay may WiFiconnections kaya’t magagamit ito ng mga estudyante sa susunod na pasukan.
Matatandaan na ipinapanukala ang paggamit ng on-line schooling upang maiwasan na magkahawahan ang mga estudyante sakaling magbalik na ang eskwela.