Home Opinion ‘Cayetano out, Velasco in’

‘Cayetano out, Velasco in’

745
0
SHARE

SA WAKAS, matapos itong kontrobersyal
na agawan sa ‘Speakership’ sa Batasan
nina Cayetano at Velasco, hayan
naresolba rin sa magandang paraan.

At marahil kapwa nila napagtanto
na sila rin naman sa kabilang dako
ang di marunong tumupad sa pangako
kaya ang samahan nila ay lumabo.

Dahilan na rin sa naturingan silang
mga mambabatas na dapat maalam
sa ugaling pino’t kagandahang asal,
sila itong salat sa muni kung minsan.

Tama ba’ng para masungkit ni Velasco
ang pagiging lider diyan sa Kongreso,
sa ‘ala kudeta’ idinaan nito
ang pagpatalsik kay Alan Cayetano?

At hindi mismo sa loob ng Batasan
ginanap, kundi sa ‘first class’ na lugar lang?
Aywan nga lang kung kinikilala r’yan
ng gobyerno itong gawin kahit saan.

Kasi, kung ang bagay na ito di labag
sa ‘norms of justice’ o panuntunang batas,
eh di ang Pangulo kahit anong oras
basta’t may ‘quorum’ ay puede siyang ilalag?

AT KUNG para lamang pala mapalitan
itong kung sinumang nasa katungkulan,
na ayaw na nating manatili pa r’yan,
ang daling sipain sa ganyang paraan?

Matatalino ang mga Pilipino
dangan nga lang higit marami ang tuso
kaysa parehas makisama sa tao,
lalo na itong mga naging pulitiko,

Na kapag pinalad, sa mataas-taas
na puesto naluklok, pati ang di dapat
mapasa-kamay n’yan, hahangarin agad
di baleng umani ng puna at pintas.

Gaya na lang nina Alan Cayetano
at ng katunggaling si Allan Velasco,
makatuwiran  bang pag-awayan  nito
itong ‘term-sharing’ lang diyan sa Kongreso?

Kung saan ay ayaw na munang bumaba
ni Alan dahil sa di pa tapos yata
ang ‘number of months’ niya bilang Speaker nga,
subalit si Allan apuradong lubha.

Dahil di pa ubos itong dalawang buwan
na natitira sa ‘share’ yata ni Alan,
liban sa ‘hearing’ ng ‘budget, pending’ pa yan,
ang Allan, gumawa ng ibang paraan.

Kasama ang mga kaalyado niya,
nag-‘out of congress’ sa ispesyal kumbaga,
kaya natural lang isigaw ng isa,
na ‘fake session’ aniya ang ginawa nila.

Gumawa pa rin siya ng ‘Irrevocable
Resignation’ para palitawin nitong
siya’y di tinanggal sa kanyang posisyon
bilang ‘Speaker, but not for being Solon’!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here