Nilalamon ng apoy ang pangalawang palapag ng Cabanatuan City Supermarket sa Barangay Supermarket ng lungsod. Contributed photo
CABANATUAN CITY – Nilamon ng apoy ang kabuuan ng ikalawang palapag ng Cabanatuan City public market sa isang oras na sunog sa gitna ngumiiral na enhanced community quarantine nitong madaling araw ng Miyerkules, April 1.
Ayon kay Fire Chief Insp. Augusto Yalong, fire marshal ng Bureau of Fire Protection– Cabanatuan City, nagsimula ang sunog pasado alas-4 ng umaga at naideklarang fire-out ng alas-5 ng umaga.
“Naagapan naman natin,” sabi ni Yalong, kaya aniya hindi na nadamay ang ibabang bahagi ng pampublikong supermarket.
Mabilis na nagtungo sa lugar sina Mayor Myca Elizabeth Vergara at Vice Mayor Julius Cesar Vergara.
Ayon naman sa city information and tourism office (CITO) mabilis na nakaresponde ang mga firetrucks ng BFP Cabanatuan, Cabanatuan City Police Station, City Economic Enterprise and Public Utilities Management Office, City Engineer’s Office, City Motorpool Office, Pamahalaang Barangay ng Supermarket, NEECO II, at CELCOR sa mabilisan nitong tugon.
“Suma–total na anim na firetruck mula sa BFP Cabanatuan at apat na water truck ng pamahalaang lungsod ang rumesponde sa sunog,” ayon sa CITO.
Sumaklolo rin ang mga bumbero mula sa iba’t ibang lugar kabilang ang Sta. Rosa, San Leonardo, Aliaga, Talavera, at Palayan City na tumulong sa pag-apula ng apoy.
Patuloy naman ang imbestigasyon hinggil sa halaga ng natupok na ari-arian at posibleng pinagmulan ng apoy, ayon kay Yalong.