Home Headlines Cabanatuan LGU nagpapatayo ng sariling rice mill

Cabanatuan LGU nagpapatayo ng sariling rice mill

587
0
SHARE
Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara. Kuha ni Armand Galang

LUNGSOD NG CABANATUAN — Isang rice mill na nagkakahalaga ng mahigit P120 milyon ang ipinatatayo ngayon ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan upang magamit sa pamimilhing palay na ani ng mga lokal na magsasaka.

Ayon kay Mayor Myca Elizabeth Vergara, ang konstruksiyon ng rice mill sa Barangay Macatbong ay bahagi ng programa ng lungsod na suporta sa mga magsasaka na pamimili ng lokal na aning palay sa presyo na mas mataas kaysa umiiral sa pamilihan.

Kaakibat nito ang pagbebenta naman ng mas murang bigas na tatawaging “Cab Rice” sa mga residente ng lungsod.

“Ang mangyayari kasi dun, city na ‘yung bibili ng palay at a higher price. Pero for me kasi mas maganda na may next step. So, ‘yung next step ay dry, mill, pack and sell,” anang alkalde.

Tiniyak na may probisyon ng solar dryer ang proyekto na titindig sa mahigit 5,000 square meters na lote.

Ipinaliwanag ni Vergara na maibebenta nang mas mura ang bigas dahil mawawala rito ang interes ng middlemen, kasama na ang rice mill.

Dito na rin manggagaling ang libreng bigas sa mga residente na taunang ipinamimingay bilang ayuda sa mga Cabanatueño.

Hanggang 10 kilo ang maaaring bilhin ng bawat mamimili sa isang bilihan sa mga pwesto na ilalagay sa Sangitan Market, Palengkeng Malaki (city public market), at Plaza Lucero kapag nagsimula na ang produksiyon sa unang bahagi ng 2024.

Kalaunan, sabi ng alkalde, ay posibleng magtinda rin ang mga pribadong rice retailers ng Cab Rice “at a regulated price.”

Sa halagang P120 milyon, ang P100-milyon ay pondo mula sa Department of Agriculture at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, samantalang ang P20-milyon ay mula sa LGU Cabanatuan.

Ang LGU Cabanatuan din ang naglaan ng lupa, hiwalay sa cash counterpart, para sa proyekto, sabi ni Vergara. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here