LUNGSOD NG MALOLOS — Kasunod ng panawagan ng imbestigasyon ni Malolos City Mayor Christian Natividad sa mga otoridad kaugnay ng insidente na may mga mabababang military aircraft ang dumaan sa himpapawid ng Bulacan ay pormal na itong humiling ng paliwanag sa Civil Aviation Authority of the Philippines, Philippine Air Force at Airport Department ng Subic Metropolitan Authority.
Sa liham na ipinadala ni Natividad sa CAAP, PAF at Subic ay nais nilang malinawan ang insidente noong ika-18 Nobyembre ng gabi kung saan may nag-ulat na mga residente ng Paombong, Bulacan sa di-umanoy nakita nila ang pagbagsak ng isang eroplano. Nais daw nila ang kalinawan sa insidente sapagkat nababahala ang mga residente dito hanggang sa ngayon.
Matapos kasing mapaulat ng insidenteng ito ay wala pa rin aniyang opisyal na kumpirmasyon o pagtanggi hanggang ngayon ang PNP hinggil sa insidente. Hindi aniya maliit na bagay ang pangyayaring ito sapagkat may convoy ng mga military aircraft ang nakita sa Bulacan at may mga nagsasabi na dumagundong ng gabing iyon sa municipal water ng Hagonoy at Paombong.
May mga residente pa rin aniya hanggang sa ngayon na nagpapatunay na nasaksihan nila ang pangyayari kayat hindi maari itong ipagsawalang bahala. Kung ito man aniya ay isang confidential aircraft military training ay dapat pa rin na maliwanagan ang mga residente ng Bulacan.Aniya, “very improper” ang isang military exercises sa isang residential area gaya ng Bulacan at dapat daw na respetuhin naman ang mga residente dito at kailangan nila ng maayos na paliwanag dito.
Kung wala man man aniya nabumagsak na eroplano nang gabi na iyon ay ano nakita doon na bumagsak at nag-aapoy. Ayon pa kay Natividad, maging siya mismo ay saksi sa mga military aircraft ang paikot ikot sa himpapawid nang gabing iyon.
Hindi aniya sanay ang mga residente ditto na may lilipad na malaking eroplano sa himpapawid na may kababaan ang paglipad kung saan ay may mga nakakita ng pagsabog sa kalangitan. Kung may kinalaman man aniya ang insidenteng ito sa national security ay naghahanap pa rin sila paliwanag dahil maraming mga residente ang mga natatakot.
Wala daw silang makita hanggang ngayon na paliwanag sa mga kinauukulan kung para saan ang mga eroplanong ito at kung hindi naman bumagsak ay bakit may mga namataan na apoy na iniisip ng mga residente na may nagtetest fire na sa karagatan.
Matatandaang noong gabi ng ika-18 ng Nobyembre ay nabulabog ang nga residente sa ulat na may bumagsak na eroplano sa pagitan ng Hagonoy at Paombong. Agad na nagsagawa ng search operations ang mga otoridad sa Bulacan ngunit walang nakitang debris mula sa isang eroplano. Ilang opisyal din ang nagsabi na may military aircraft activities nga nang gabi na iyon sa Bulacan ngunit wala naman umanong dapat ikabahala ang mga residente dito.