Bypass Road sinisi sa pagbaha sa Plaridel, Guiguinto at Bustos

    462
    0
    SHARE

    PLARIDEL, Bulacan—Sinisi ng mga magsasaka at residente sa mga bayan ng Plaridel, Bustos at Guiguinto ang bagong bukas na Plaridel Bypass Road sa malalim na pagbahang hatid ng habagat noong Agosto sa dahilan na hinarang nito ang mga daluyan ng tubig.

    Sa kanyang pahayag sa mga kasapi ng Sangguniang Panglalawigan (SP), sinabi ng magsasakang si Carlos Dimaapi ng bayang ito na ang bahang hatid ng habagat ang kauna-unahan na nagpalubog sa kanila.

    Ilan sa kanyang mga inilarawan ay ang malalim na baha na nagpalubog sa barangay Camachilihan sa Bustos at mga barangay ng Bulihan, Bagong Silang at San Jose sa bayang ito.

    “Hindi kami dating binabaha, pero nitong habagat, lumubog kami lalo na ang Bustos. Inirereklamo ng mga tao na pati loob ng bahay nila ay pinasok ng baha,” ani Dimaapi sa pulong na isinagawa ng SP noong Setyembre 5.

    Isa sa mga sinisisi ni Dimaapi at mga residente ay ang konstruksyon ng Plaridel Bypass Road na binuksan ng Department of Public Works and Highways nitong Marso 20 na naging sanhi naman ng pagluwag ng daloy ng trapiko sa barangay Tabang, Plaridel at Sta. Rita sa Guiguinto.

    Inayunan din ito ni Liza Sacdalan, ang tagapangulo ng Plaridel-Guiguinto Irrigators Association.

    Ayon kay Sacdalan, maging ang mga barangay sa Guiguinto tulad ng Daungan ay lumubog sa malalim na baha.

    Isa sa tinukoy niyang dahilan ay ang maliliit na daluyan ng tubig na inilagay ng kontraktor sa ilalim ng Plaridel Bypass road.

    “Maliliit ang tosang na inilagay nila kaya mabagal ang pagdaloy ng tubig at bumaha,’ ani Sacdalan.

    Idinagdag pa niya na bukod sa maliliit, ang mga nasabing tosang ay mataas.

    “Pag tag-araw, hindi kami makakuha ng tubig dahil napakataas ng tosang at pagbumaba ng konti ang tubig ay di na dadaloy,” aniya.

    Kung panahon naman ng tag-ulan, kailangang higit na lumalim ang tubig bago dumaloy dahil sa pagiging mataas ng tosang sa orihinal na daluyan ng tubig.

    Ayon kay Sacdalan, maging ang kanyang ama na unang naglinang ng kanilang bukirin ay kinakabahan na hindi mapakinabangan ang bukirin sa mga susunod na panahon.

    “Tiyak daw na lagi na lang lulubog ang bukid namin, at kung tag-araw ay mas malamang na kapusin sa tubig,” aniya.

    Upang matugunan naman ang kasalukuyang kalagayan, sinabi ni Sacdalan na nagpaplano silang magbago ng pananim. Sinabi niya na balak nilang magtanim ng gulay sa halip na palay.

    Kaugnay nito, inilahad ng mga magsasaka sa mga nasabing bayan na ilang pulitiko at negosyante na ang nagsipamili ng mga bukirin di kalayuan sa dinaanan ng Plaridel Bypass Road.

    Kabilang dito ay isang kongresista, isang alkalde, maging ang isang dating alklade na ngayon ay isang negosyante at isang kontraktor ng DPWH.

    Nagpahayag ang mga magsasaka na may posibilidad na ang maling paglalagay ng mga tosang sa ilalim ng Plaridel Bypass ay isang paraan upang unti-unting humina ang produksyon ng mga karatig na bukirin at makumbinse ang mga magsasaka na ibenta na lamang iyon.

    Ang Plaridel Bypass Road ay unang bahagi pa lamang ng mahigit 21-kilometrong Balagtas-Plaridel-Bustos-San Rafael Arterial road by-pass na mag-uugnay sa bayan ng San Rafael at sa North Luzon Expressway sa layuning mapaluwang ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Cagayan Valley Road at Donya Remedios Trinidad Highway na kasudlong ng Maharlika Highway.

    Ang Plaridel Bypass Road ay pinasinayaan noong Marso 20 kaugnay ng pagbubukas ng Balagtas Interchange ng NLEX.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here