DI PA MAN, marami na ang umaasang
sila ang susunod na magiging chairman
sa kanilang mga respective barangays
oras na i-appoint sila ni Congressman
O ni Mayor kundi man ng Gobernador
base sa tsismis na ngayon ay maugong
dito sa Pampanga at karatig rehiyon,
aywan lang sa parteng Visayas, Mindanao.
May naghanda na r’yan sa napabalitang
‘appointees’ umano yata ni Congressman
JPRB itong handa nang isalang
ayon sa ating ‘source’ na mapanaligan.
At kung saan base sa ating nakalap
na ‘info’ mayrun na nga r’yang naka-‘line up,’
na grupong sila ang sabi’y itataas
ang mga kamay n’yan pagdating ng oras.
Yan ay kung sakali’t di na matutuloy
ang halalan sa Oktubre nitong taon,
kundi bagkus ang panukala ni Digong
na ‘by appointment’ ang siyang isusulong
Kung saan sa ganyang uri ng paraan
ng pagpili sa’ting barangay officials,
di lang menus gastos sa bayan ni Juan
kundi pati na rin sa manunungkulan
Na ‘millions of pesos’ ang gastos ng iba
para lang mapuesto, kaya’t ang resulta
ng ganyang klase ng paghalal sa tuwina
kadalasan ay di nagiging maganda.
At ang kahinatnan ay hindi malayong
nakawan, ‘ghost project’ at kung anu-anong
klaseng paraan ng gawang pandarambong
ang mamamayani sa habang panahon.
Sapagkat kapalit ng libong puhunan
na isinugal n’yan para manalo lang,
mil de mil tiyak ang ibubulsa riyan
sa lahat ng puedeng pagkakakuwartahan.
Pero sa paraang wala ng eleksyon,
na gaya ng gustong mangyari ni Digong,
lahat ng pangit na umiiral ngayon
sa ‘barangay level’ puede nang ibaon.
At bagong uri ng pamumulitika
ang maaasahan, na lubhang kakaiba
kaysa dati na ang sukatan ay pera
bago mahalal ang putikan ang paa
Na kahit serbisyong matapat ang laang
maipaglingkod sa kanyang kabarangay,
‘yan ay di magawa sa kadahilanang
kapos nga siya sa material na bagay.
At lubhang maliit ang kanilang tsansa
na maipanalo ang kandidatura,
sanhi nga r’yan nitong ang sukatan pera,
at hindi tunay na serbisyo talaga.
At sana ay magkatotoo na itong
balakin ng ating butihing Pangulong
Duterte – kung saan di na matutuloy
nitong Oktubre ang barangay election.
At sana rin, sakali’t ‘by appointment’ na
ang pagpili sa Kapitan at iba pa,
hangga’t maari ay ating ietse-puwera
itong sa tungkulin mga nilumot na
Kundi mga bagong mukha ang piliing
isalpak sa puesto nitong manggagaling
sa hanay ng kampo ng ating butihing
Pangulo – na siyang nararapat sundin!