SAN MARCELINO, Zambales – Pinangunahan ng health office at nutrition action office ng pamahalaang lokal ang paglunsad ng pagdiriwang ng Nutrition Month sa bayang ito nitong Lunes, July 15.
Sa ilalim ng temang “Philippine Plan of Action for Nutrition: Sama-Sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat,” ang pagdiriwang ngayong taon ay naglalayong itaguyod ang mabuting kalusugan para sa bawat mamamayan, anuman ang kanilang edad.
Nauna nang inilunsad kamakailan ang Philippine Plan of Action for Nutrition 2023-2028 ng National Nutrition Council kung saan layong tugunan ang problemang pangkalusugan partikular na ang malnutrisyon.
Ibinahagi ni municipal nutrition action officer Ana Isabel Villajuan ang ilan sa matagumpay na programang pangkalusugan tulad ng nutrition assessment at community organization na siyang patuloy na isinasagawa para sa kapakanan ng bawat mamayan ng San Marcelino.
Sa mensahe ni Mayor Elmer Soria, sinabi nito na hindi lamang ang malnutrisyon ang dapat bigyang pansin bagkus marapat ding talakayin ang isyu ng kahirapan sapagkat ito ang nagsisilbing ugat ng mga problemang pangkalusugan.
Dugtong pa ng alcalde, upang matagumpay na matugunan ang malnutrisyon, kailangan buong pwersang magtulungan ang lahat, partikular na ang sektor ng agrikultura, kalusugan, at social welfare.
Samantala, bilang pagdiriwang ng Nutrition Month, namahagi ang municipal nutrition action office ng food packs, multivitamins, hygiene kits, itlog ,at feeding sa mga kabataan at iba pa. Larawang kuha ng San Marcelino PIO