BUSTOS, Bulacan —- Nagpakawala ng 1,300 cubic meter per second (CMS) na tubig nitong hapon ng Sept. 2 ang Bustos Dam kasunod ng malalakas na pag-ulan at pagpapatapon ng tubig ng Ipo Dam.
Dalawang rubber gate at tatlong sluice gate ng Bustos Dam ang binuksan matapos na umakyat sa 17.89 meters ang water level na lagpas sa 17.36 meters spilling level.
Ayon kay Francis Clara, dam control supervisor, nagpatapon sila ng tubig sa Bustos Dam dahil dito ang bagsak ng tubig na ipinatapon ng Ipo Dam.
Bukod doon ay malakas kasi aniya ang mga pag-ulan sa kabundukan at daloy ng tubig sa Bayabas River dahilan para mabilis na tumaas ang level ng tubig sa dam.
Aniya, inaasahan na makapagdudulot ito ng pagbaha sa mga low lying areas ng Bulacan ang pagpapakawala na ito ng tubig ng Bustos Dam.
Ayon pa kay Clara, sa kabila ng pagpapakawala ng tubig ay nasa 17.74 meters pa rin ang taas ng tubig sa Bustos Dam na lagpas sa 17.36 spilling level kaya’t sa ngayon ay hindi pa masasabi ng pamunuan ng dam kung kailan ititigil ang pagpapakawala dito ng tubig.