HAGONOY—Sa loob ng dalawang linggo, lumubog sa baha ang bayang ito nitong Setyembre at Oktubre matapos manalasa ang mga bagyong Pedring at Quiel.
Naparalisa ang buong bayan, marami ang hindi nakapaghanapbuhay, napinsala ang mga palaisdaan maging mga kagamitang pantahanan na kay tagal ipinundar.
Ang katatapos na pagbaha ay itinuturing na pinakamalalim sa kasaysayan ng bayang ito sa loob ng halos 40 taon; bukod pa diyan ang halos araw-araw na paglubog ng maraming barangay dahil sa pagtaas ng tubig mula sa dagat o high tide.
Ayon sa mga dalubhasa, ilan lamang ang mga ito sa mga palatandaan ng mga epekto ng climate change o pagbabago ng klima o panahon na hatid ng global warming o pag-init ng klima ng mundo sanhi ng mga ibinugang usok o greenhouse gas sa papawirin sa mahabang panahon.
Ang mga epektong ito ng climate change ang ninanais labanan ng buong mundo ngayon kaya’t bawat taon ay nagpupulong ang mga kinatwan ng mga bansa para sa tinaguring Conference of Parties (COP) na ang ika-17 taunang pulong ay kasalukuyang isinasagawa sa Lungsod ng Durban sa South Africa na matatapos sa Sabado, Disyembre 10.
Nagsimula ang COP17 noong Nobyembre 28, ngunit nangangalahati pa lamang ang 12-araw na pandaigdigang kumperensiya na dinaluhan ng may 10,000 kinatawan at tagamasid mula sa 194 bansa, nagpahayag na ng pangamba ang mga environmentalist sa Pilipinas.
Isa sa kanila ay si Nicanor Perlas, ang environmentalist na kumandidato bilang Pangulo sa halalan noong 2010.
Para kay Perlas, kung hindi aayon ang mayayamang bansa sa hiling ng mahihirap na bansa na pondohan ang mga programa para sa climate change adaptation, malalagay sa peligro ang buong mundo.
“If nothing fundamentally changes, the world will not make it, climate change will worsen,” ani Perlas sa isang text message sa mamamahayag na ito noong Biyernes, Disyembre 2.
Iginiit pa niya na namamayani sa mga talakayan sa Durban ang pananaw pampulitika, sa halip na ang mga ebidensiyang sinuri ng siyensya.
“They chose what was politically possible, and not what is scientifically necessary,” aniya.
Hinggil naman sa mga hakbang ng Pilipinas katulad ng pinagtibay na Philippine Climate Change Plan, sinabi ni Perlas na iyon ay isang magandang simula, ngunit sinabi din niya na “but does not go far enough.”
Ito ay dahil sa iilang Pilipino pa lamang ang nakakaunawa sa “massive shaking events we will be facing through the years.”
Habang sinusulat ang balitang ito, ang delegasyon ng Pilipinas sa Durban sa pamumuno ni Climate Change Secretary Mary Ann Lucille Sering ay patuloy na nakikipagnegosasyon kasama ang mahihirap na bansa upang pondohan ng mayayamang bansa ang $100-bilyong Green Climate Fund na napagkasunduan sa COP15 sa Copenhagen, Denmark noong 2009.
Ngunit ang GCF ay hindi naipatupad kahit na muling tinalakay ito sa COP 16 na isinagawa sa Cancun, Mexico noong nakaraang taon, dahil sa di pagsang-ayon ng mayayamang bansa tulad ng Amerika.
Ang pagtutol na ito ng Amerika ay binigyang diin ng Gobernador ng Albay na si Joey Salceda na siya ring United Nation Senior Champion of Climate Change Adaptation.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang first national media conference on Climate Change adaptation sa Lungsod ng Legazpi sa lalawigan ng Albay noong Nobyembre 24, sinabi ni Salceda na hindi na naniniwala sa climate change ang Amerika.
Bahagi raw ito ng agenda ng Amerika na tututol pondohan ang $100-bilyong GCF na inaasahan ng mahihirap na bansa upang mapasimulan ang mga programa para sa climate change adaptation.
Para kay Pangulong Aquino, ang climate change adaptation ay hindi biro at lubhang mahalaga sa Pilipinas dahil ang bansa ang itinuturing na laboratoryo ng bagyo sa mundo.
Inayunan din ito ni Dr. Flaviana Hilario ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) ng kanyang sabihin na umaabot sa 20 bagyo ang dumadaan sa bansa bawat taon.
Bukod dito, iginiit ni Hilario na dahil sa epekto ng climate change, mas makakaranas ang bansa ng mas maiinit na araw.
Nagbabala naman sa mga inilabas na ulat ang mga climate change watchdogs bago magsimula sa COP 17 sa Durban.
Ayon sa ulat ng Inter-Governmental Panel on Climate Change (IPCC) na pinamagatang “Managing the Risks of Extreme Events and Disasters,” hindi maitatanggi na ang climate change ay kaugnay ng mga extreme weather events ng mapaminsalang lagay ng panahon tulad ng bagyo at baha.
Sa nasabing ring ulat, nagbabala ang IPCC na ang mahihirap na bansa ay mas higit na magiging apektado ng extreme weather events.
Iginiit pa ng IPCC na ang mas maraming mamamatay na tao sa mas mahihirap na bansa sanhi ng extreme weather events, ngunit higit naman ang mga pinsalang dadanasin ng mayayamang bansa sa mga kalamidad na hatid nito.
Para naman sa German watch na nakabase sa Europa na naglabas ng kanilang Global Climate Risk Index (CRI), ang Pilipinas na pang-10 sa mga bansa sa mundo na nakaranas ng mapaminsalang lagay ng panahon sa nagdaang 20 taon.