Home Opinion Bumoto nang ayon sa dikta ng konsensya

Bumoto nang ayon sa dikta ng konsensya

1346
0
SHARE

ILANG araw na lamang ang hihintayin
nitong animo’y malapit nang bitaying
mga kandidato, na ang tanging hiling,
iisa: iboto sila sa May 13;

Kung saan sa petsang ito masusukat
ang tiwala r’yan ng masang nililiyag
sa pinangangakong pagsisilbing tapat
na kadalasan ay di n’yan natutupad.

Ayaw na sa puro pangako ang masa
kung kaya marahil di na ngayon basta
kakagat sa kahit anong pambobola,
itong sa sistemang ya’y dalang-dala na.

Partikular na r’yan sa kahit papaano
nakapag-aral at nasanay ng husto
sa kalakaran na dapat nang mabago,
na nakasanayan na ng mga ‘Trapo’.

Gaya na lang nitong nausong ‘vote buying,’
na kahit di nila direktang bibilhin
ang ating boto ay lusot sa diskarteng
kung tao ka halimbawa ni Mayor Lim,

Para makatiyak siyang di si Erap
ang mamanukin mo, sa 1k kaagad
na ibibigay n’yan kapalit lang ng huwag
ka nang bumoto ay di ka ba papayag?

Kahit ika’y walang dapat panagutan
(sa batas), at ikaw ay kusang binigyan
lang ni Mayor o ng kahit pa sino r’yan
nang pasimple’t lingid sa mata ninuman?

Isa ‘yan sa simpleng pamitag ng boto
ng nakararaming mga kandidato,
liban sa kung minsan sila na rin mismo
itong namimigay ng pera sa tao.

(Anong maasahan nating pagbabago
sa ganyang sistema at likong estilo,
na pati ang dangal at ang pagkatao
ni Juan nabibili na ng pulitiko?)

Panahon na upang ang ganyang sistema
ay tuluyan nang mabago at mabura,
nang sa gayon itong klaseng pulitika
na ubod ng dumi ay maitapon na;

At ito ay ating magagawa lamang
sa pamamagitan ng kusang pag-ayaw
natin sa bulok na uring kalakaran
nitong pulitika sa kasalukuyan.

At nang kawalan din sa ating sarili
ng respeto kaya’t ito’y nangyayari,
sinasamantala at pinatitindi
ng mga dorobo at kawatan pati.

Kaya kung ang nais natin ay tunay na
gobyernong may dangal, idilat ang mata
natin at timbangin kung sino talaga
ang tunay na may malasakit sa masa.

At ito’y maari lang nating magawa
sa pagkakaisa nitong taong madla,
na iboto muli ang mayrung nagawa,
gaya ng subok na sa pamamahala.

Pero ilaglag na itong pangsariling
kapakanan lang ang una at palaging
inaalagaan, subalit pagdating
sa dapat gampanan di makapa natin.

At ang iboto sa May 13 ang siyang
ating ngayon pa lang dapat paghandaan;
Piliin ang mayrung takot sa Maykapal,
may puso at ng damdaming makabayan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here