Home Opinion Bulok na sistemang umiiral sa panahon ng halalan

Bulok na sistemang umiiral sa panahon ng halalan

105
0
SHARE

1.
Sayang na sayang ang mga mabubuting kandidato
sa darating na halalan kapag sila ay natalo
di mabibigyan ng puwang upang makapag-serbisyo
sa paraang maka-bayan, maka-Diyos at maka-tao
lalo na ang mga taong may matatag na prinsipyo
daan upang magkaroon ng maayos na gobyerno
2.
Ngunit tayo’y laging bigo sa’ting hangaring marubdob
na ang mga kandidatong matitino’y mailuklok
dahil sila’y biktima ng maling sistema at bulok
sa paraan ng pagpili ng mga dapat maglingkod
dahil kapag salapi na ang nangusap at kumilos
ang matinong pag-iisip tila nagiging balakyot
3.
Ang ganitong sistema ay malaon ng umiiral
kahit saang lupalop pa nitong ating inang-bayan
lumilipas ang panahon ngunit habang tumatagal
ay lalo pang dumarami mga botanteng bayaran
kailan kaya magbabago ang ganitong kalakaran
na ang laging iniisip ay sariling kapakanan
4.
Kulang na lang ay ibenta ang kanilang kaluluwa
kapag mayroong eleksiyon sa katiting na halaga
ang ganyang uri ng tao ay taksil sa bansang ina
mga dumi ng lipunang masahol pa sa basura
habang hindi nababago ang maling gawain nila
sambayanang Pilipino’y patuloy na magdusa
5.
Ang isa pang hindi tama sa paraan ng pagpilî
ng botanti, maliban sa pagkasilaw sa salapî
ay ang kamag-anak system na sa bansa’y naghaharî
kung saan ang binoboto ay kadugo o kalahî
ang nakasanayang ito’y malaking pagkakamali
na dapat ng baguhin at sa isipan ay iwaksi
6.
Kung kaya’t ang mga taong busilak ang kalooban
na dapat na mamuno ay natatalo sa halalan
una, dahil sila’y walang salaping ipamimigay
pangalawa’y kakaunti kaanak na maghahalal
at isa pa’y dahil na rin sa matinding kahirapan
na dinaranas ng halos pobre nating kababayan
7.
Ang sistema sa pagpil pag nanatiling baligho
magagandang pangarap ay di na natin matatamo
habang may mga botante na hangal at utu-uto
at madaling maniwala sa matamis na pangako
bayan ay di na uunlad at tuluyang maglalaho
ang pag-asang magkaron pa ng lider na matitino

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here