Home Opinion Bulok na sistema tama na, sobra na!

Bulok na sistema
tama na, sobra na!

1054
0
SHARE

SAYANG na sayang ang mga mabubuting kandidato
na sa halalang nagdaa’y di pinalad na manalo,
hindi nabigyan ng puwang, upang makapag-serbisyo
sa paraang maka-bayan, maka-Diyos at maka-tao.

Dahil sila’ y biktima ng maling sistema at bulok
sa paraan ng pagpili ng dapat na mailuklok,
kadalasan salapi ang ginagamit na panghimok
ng maraming pulitikong sa halalan ay kalahok.

Ang ganitong sistema ay malaon ng umiiral
kahit na saang lupalop nitong ating Inangbayan,
lumilipas ang panahon, ngunit habang tumatagal
ay lalo pang dumarami mga botanteng bayaran.

Ang kanilang karapatan ay palaging binebenta
kapag mayroong eleksiyon, sa katiting na halaga
ang ganyang uri ng tao ay taksil at palamara
sa alindog ng dati ay di maruming pulitika.

Ang isa pang hindi tama sa paraan ng pagpilî
ng botante, maliban sa, pagkasilaw sa salapî
ay yung kamag-anak system, na sa bansa’y naghaharî,
na ang tinatangkilik lang, ay kadugo o kalahî.

Kadalasang nangyayari, ilan lang ang sinusulat
sa balota, at yaon ay – ang kanilang kamag-anak;
at kung minsan – ‘single voting,’ upang sila’y makatiyak
na lulusot sa halalan ang kandidatong kaanak

Kung kaya’t ang mga taong busilak ang kalooban
na dapat na mamuno ay natatalo sa halalan,
una – dahil sila’y walang salaping ipamimigay
pangalawa ay kakaunti, kaanak na maghahalal.

Ang sistema sa pagpili, pag nanatiling balighô
magagandang layunin ay kalimitan nabibigô,
bayan ay di na uunlad, at tuluyang maglalahô
ang pag-asang magkaroon ng lider na matitinô.

Di kagaya noong una, na di kuwarta ang sukatan
sa pagpili at pagboto sa marapat na ihalal,
taongbayan mismo itong sa nais na manungkulan
ang kusa at nagbibigay riyan ng tulong na pinansyal.

Pero ngayon dinig pa lang itong balak na pagtakbo
ng isang kilalang tao’t may marangal na prinsipyo,
alas sais pa lamang ng umaga ay naritito
na sa kanyang durungawan, na ang hirit ay saklolo.

At suportang pinansyal ang kadalasan na ilapit
nang gaya ng kapamilyang  diumano ay may sakit,
at kung minsan ay mayrun din namang mga lumalapit
na pambili raw ng gamot, pero pangtustos sa hilig.

Suma total bago pa man , itong araw ng eleksyon
ay sumapit,  milyones na ang nagasta riyan ni mayor
at ng sino pa mang mga sumugal na kandidatong
nagnanais na masungkit ang target nilang  posisyon.

Kaya anong maasahan, na posibleng maging bunga
ng sinunog na salapi  ni Sir, Madam at ng iba
sa panahon ng eleksyon at kahit noong bago pa
sumapit ang takdang araw ng botohan, Santa Claus na?

Nakawang katakot-takot, pangungupit, pandarambong
sa kuwarta ng Inangbayan itong tiyak na uusbong,
pagkat bawat isang libo, na ginastos sa eleksyon
ng marami, ang bawiin,  di malayong mag- ‘times four’!

Vhelle V. Garcia
September 12, 2021
U.A.E.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here