Bulag

    1890
    0
    SHARE
    Sadya nga yatang nakakabulag at nakaka-bobo ang pagmamahal sa kapangyarihan at sa salapi.

    Dahil sa halagang P812.6-milyon (na uutangin ng lungsod ng Angeles para makapagpagawa ng sports complex), nakakaya mong isakripisyo ang iyong kaalamang natutunan sa ibang bansa na ano pa’t ikaw ay naging mas lalong mangmang kaysa anomang hayop sa sanlibutan.

    Sa halagang P812.6-milyon, natitiyak ko na hindi mo naramdaman kung papaanong maging isang marangal na Pilipino. Noong tumutulo ang aming luha habang inilalakad ang ataul ng yumaong Cory Aquino kasama ang libo-libong mga tao, hindi siguro masabi ng iyong mga bibig ang mga katagang: “I am proud to be a Filipino” o kahit man lang “I am proud to be an Angeleño sapagkat ang iyong katapatan ay wala sa mga taong iyong dapat na paglingkuran, kundi nakabaling ito sa salapi na iyong ginagawang dios-diosan.

    Sa halagang P812.6-milyon, nagpaka-mangmang ka upang hindi ka mapulaan sa iyong “polemikong” pagdadahilan.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo maisip na libo-libong mga masisipag na mag-aaral na sana ang pwedeng makatapos ng kolehiyo.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo maisip na nakapagpagawa kana sana ng daan-daang mga paaralang pampubliko (2 palapag) na kagaya ng sa lungsod ng San Fernando.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo maisip na libo-libong mga maysakit na sana ang iyong natulungan.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo maisip na libo-libong mga pulubi at bata sa lansangan na sana ang iyong natulungan.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo maisip na daan-daang mga guro na sana ang nadagdagan ng sahod.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo maisip na nabayaran na sana ang utang ng lungsod sa landfill, at nakabili narin sana ng sariling mga trucks o mga sasakyan na ginagamit sa pagkuha ng basura upang hindi na mag-arkila sa kaibigan ninyo na inyo ring pinagkakakitaan.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo maisip na daan-daang mga senior citizens na sana ang nabigyan ng sapat na tulong para sa kanilang mga pangangailangan.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo maisip na daan-daang mga atleta (kasama na ang mga coaches at trainers) ang mabibigyan ng sapat na suporta sa kanilang mga pagsasanay: sapatos, raketa, bola, medyas, pagkain, bitamina, tamang pagkain at iba pang mga pangangailangan.

    Sa halagang P812.6-milyon, hindi mo ngayon maibuka ang iyong bibig upang bumatikos na siya naman dapat mong ginagawa. Bilang isang mamamahayag, hindi mo ngayon maihayag na ang sampung porsiyento nito ay gagamitin sa kampanya sa darating na eleksyon sa 2010.

    Sa halagang P812.6-milyon, naging isa ka nang dakilang patutot (prostitute) na ibinebenta ang kaluluwa kahit kanino dahil lamang sa pagmamahal mo sa salapi.

    Sa halagang P812.6-milyon, pinagsikapan ninyong babuyin ang sangguniang panlungsod at hindi man lang nabigyan ng pagkakataon ang taumbayan na ipahayag ang kanilang mga saloobin ukol sa proyektong inyong inilalakad.

    Sa halagang P812.6-milyon, inyo nang “isinasanla” ang aming mga magiging anak at apo na siyang magbabayad ng inyong inutang.

    Sa halagang P812.6-milyon, nahawa kayo sa inyong amo na nasa Malacañang na walang ginawa kundi ang magnakaw, magsinungaling at magpakasasa sa kaban ng bayan.

    Kaya nga sa inyong pagkabulag sa salapi at kapangyarihan:

    “Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;

    “Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.”

    “Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:

    “Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.”

    “Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:

    “Kaya’t sila’y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan.

    “Sapagka’t papatayin sila ng pagtalikod ng musmos, at ang pagkawalang balisa ng mga mangmang ay ang sisira sa kanila.”

    Hindi ninyo naiintindihan ang mga pangungusap na ito? Hindi ito nakakapagtaka. Dahil tuluyan na kayong nabulag na inyong pagka-ganid.



    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here