Home Headlines Bulacan Medical Center ekslusibo na sa Covid-19 cases

Bulacan Medical Center ekslusibo na sa Covid-19 cases

602
0
SHARE

Gov. Daniel Fernando



LUNGSOD NG MALOLOS
Wala nang tatanggaping pasyenteng hindi Covid-19 ang sakit ang Bulacan Medical Center (BMC) matapos itong maging ganap na referral facility sa naturang sakit kasama ng katabing Bulacan Infection Control Center (BICC).

Ipinaliwanag ni Gov. Daniel Fernando na bahagi ito ng ipinatutupad na Bulacan Surge Capacity Plan for Covid-19 simula ngayong Mayo 2021.

Tanging mga pasyenteng may Covid-19 ang tatanggaping mai-admit sa BMC at BICC habang ang mga non-Covid patients na dating inililipat mula sa mga pribadong ospital ay sa mga district hospital na dadalhin.

Layunin nito na higit na mapalakas ang kapabilidad at kapasidad ng BMC at BICC sa panggagamot sa labis na nakakahawang sakit na ito.

Dahil dito, ang BICC na dating may 134 na mga kama ay naging 200 na. Itinaas na rin sa 30 ang bilang ng mga intensive care unit mula sa 20 ang BMC.

Kaakibat ng pagiging ekslusibo ng BMC at BICC para sa mga pasyenteng tinamaan ng Covid-19, ang Calumpit District Hospital ay isa ngayong specialty hospital para sa obstetrics and gynecology ward o paanakan at pediatric ward.

Mayroon ding inilagay na pediatric ward sa Emilio G. Perez District Hospital sa Hagonoy habang dito rin inilagak ang medical ward.
Ang surgical ward ay matatagpuan ngayon sa Gregorio Del Pilar District Hospital sa Bulakan habang ginawang general hospital ang mga pasilidad ng Baliwag District Hospital, Rogaciano Mercado Memorial District Hospital sa Santa Maria, at ang San Miguel District Hospital.

Magdadagdag naman ng tig-apat na mga ICU sa nasabing mga district hospital para sa mga non-Covidna pasyente.

Nilinaw ni Fernando na pansamantala lamang ang ganitong set-up habang may pandemya.

Bukod dito, dumating na sa Bulacan ang tatlong bagong ambulansya na idadagdag sa operasyon ng mga ospital. Plano pang bumili ng karagdagang mga ambulansya para sa kada ospital na pinapatakbo ng Kapitolyo sa 2022. Shane F. Velasco/PIA 3

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here