Bulacan mayor inireklamo

    426
    0
    SHARE
    SAN MIGUEL, Bulacan – Inireklamo ng isang konsehal ng bayang ito si Mayor Roderick Tiongson dahil sa pagbabanta sa kanyang buhay ngunit pinabulaanan naman ito ng alkalde.

    Sa kanyang sumbong na ipinatala sa himpilan ng panglalawigang pulisya sa lungsod ng Malolos noong Biyernes ng hapon, sinabi ni Konsehal Raul Mariano na tinawagan siya ni Mayor Tiongson ng San Miguel sa telepono noong araw ding iyon at siya umano ay minura at pinagbantaan ang kanyang buhay.

    Ayon kay Mariano, sinabihan siya ni Tiongson na mag-ingat dahil may nangyayari sa mga kumakalaban sa kanya.

    Iginiit pa ng konsehal na ang galit sa kanya ni Tiongson ay nag-ugat sa isang artikulo na lumabas sa isang lokal na pahayagan kung saan ay nabulgar umano ang plano ng pamahalaang bayan ng San Miguel na mangutang ng P29 milyon sa Philippine Veteran’s Bank.

    Sinabi ni Mariano na siya ang pingabibintangan ni Tiongson na nagpalabas ng istorya dahil siya ay isa sa mga tumutol sa nasabing pag-utang nang iyon ay ihain sa Sangguniang Bayan ng San Miguel.

    Pinasinungalingan naman ni Tiongson ang bintang na pagbabanta niya sa buhay ni Mariano.

    “Hindi totoo yan,” ani Tiongson sa kanyang pahayag na isinahimpapawid ng radyong DWSS 1494 kamakailan.

    Habang kinakapanayam sa radyo, sinabi rin ni Tiongson kay Mariano na “mag-iingat ka.”

    Ngunit nilinaw naman niya ang pahayag na iyon na mag-ingat si Mariano sa mga ipinapahayag at dapat ay nakabatay sa katotohaanan.

    Inakusahan din ni Tiongson si Mariano ng pagyayabang sa kanilang bayan na siya lamang ang konsehal na nagtatrabaho, ngunit pinabulaanan iyon ni Mariano sa himpapawid ng sabihin niya na, “hindi ako ipinanganak na sinungaling.”

    Sinabi rin ni Mariano na noong Hulyo 2007 ay nagalit na sa kanya si Tiongson at siya ay sinuntok sa dibdib, at nasundan pa ito ng isang insidente noong nakaraang Disyembre kung saan ay hiniya siya umano nito at sa harap ng maraming tao.

    Ngunit itinangggi rin ito ni Tiongson ang akusasyong ito.

    Hinggil naman sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa mga kalaban sa pulitika ni Tiongson sa bayang ito, sinabi ng alkalde na pinaiimbestigahan pa niya iyon.

    Kabilang sa mga binaril sa bayang ito ay sina dating Mayor Edmundo Jose Bencamino, Kapitan Melvin Santos ng Barangay Camias, at Inhinyero Constatino Pascual na unang binaril noong nakaraang Abril, ngunit napatay sa isang ambush noong Hunyo 8.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here