LUNGSOD NG MEYCAUYAN — Naghatid ng tulong at pakikiramay ang
Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamilya ng yumaong atleta na si Lydia
De Vega-Mercado.
Personal na dumalaw sina Bulacan Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro
sa burol ng atleta para ipaabot ang pakikiramay at pakikidalamhati ng
pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay Fernando, ang sangguniang panlalawigan ay opisyal na naglabas ng
resolusyon ng pakikidalamhati sa pagyao ni De Vega. Bukod doon ay nagpaabot
din sila ng tulong pinansyal sa pamilya nito.
Plano din aniya ng Kapitolyo na magbigay pa ng pinakamataas na parangal kay De
Vega bukod sa Dangal ng Lipi Award na natanggap na nito noong nabubuhay pa
siya.
Para sa kanila, maipagmamalaki at maituturing na kayamanan ng lalawigan at
buong bansa si De Vega dahil sa hindi matatawara na ang naging ambag nito sa
larangan ng pampalakasan.