
LUNGSOD NG MALOLOS — Sususpendihin ni Gov. Daniel Fernando ang provincial jail warden at ilan pang nagpabaya sa paglabas ng dalawang preso na naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kamakailan.
Matatandaan na nasakote ng mga operatiba ng Bulacan CIDG ang detinado na sina Abdua Arajalon, may posisyong “mayor” sa kulungan; at Mario San Jose, may posisyon na “chairman,” kapwa miyembro ng Sputnik Gang na nahaharap sa mga kasong pagpatay; jail guard na si Tee-jay Jimenez at asawa ni Arajalon na si Sarah Wahid.
Sinabi ni Fernando na hindi niya alam ang mga nangyari na paglabas ng dalawang detainee ng Bulacan provincial jail at ito ay pinagtakpan ng jail warden na si retired police Col. Rizalino Andaya.
Aniya, nagsinungaling si Andaya na dadalhin sa ospital si Arajalon ngunit labag ito sa batas dahil hindi maaring ilabas nang basta-basta ang isang detinado ng walang court order.
Nagulat na lang din daw si Fernando na humihingi ng tawad ang kanyang driver dahil nasangkot ang anak nito na jail guard na si Jimenez.
Nag-atas na daw siya sa provincial legal office na magsagawa ng imbestigasyon laban kina Andaya, Jimenez at isang chief jail guard habang naghihintay siya ng clearance mula sa Comelec na payagan siyang suspendihin ang mga ito.
Ayon pa kay Fernando, kung maari ay magsipag-resign na lang sina Andaya dahil hindi niya kukunsintihin ang paglabag ng mga ito sa batas.
Matatandaan na noong ika-13 ng Abril nang arestuhin ng CIDG sina Arajalon, San Jose, Jimenez, at Wahid habang nasa labas ng kulungan nang walang hawak na court order.
Nakumpiska mula sa kanila ang 1911 A1 .45 pistol, isang Glock 17 9mm pistol, mga bala at isang pick-up truck.
Kasalukuyang nagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang CIDG Bulacan sa mga naarestong suspek upang matukoy kung sangkot ang mga ito sa ilang kriminalidad o ginamit ng ilang pulitiko para gumawa ng krimen sa Bulacan at mga kalapit na lalawigan.
Sinampahan ang mga ito ng reklamo sa Malolos City Prosecutor’s Office dahil sa mga kasong evasion of service of sentence, conniving with or consenting to evasion, delivering prisoners from jail, at illegal possession of firearms in relation to the election gun ban.