Pinangunahan ni Gobernador Daniel Fernando ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Marcelo H. Del Pilar sa ginanap na pagdiriwang ng Ika-443 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan. (Bulacan PPAO)
LUNGSOD NG MALOLOS — Payak na ipinagdiwang ang ika-443 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan na ginanap sa Capitol grounds.
Pinangunahan nina Gobernador Daniel Fernando, Bise Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Marcelo H. Del Pilar.
Sinabi ni Fernando na sa gitna ng paghihirap at pighati sa panahon ng pandemya, ang mga Bulakenyo ay mananatiling matatag at puno ng pag-asa.
Aniya, ang pademya ay nagluwal ng mga makabagong bayaning handang iligtas ang buhay ng kanyang mga kalalawigan at nanatiling tapat sa sinumpaang tungkulin sa kabila ng panganib sa kanilang kaligtasan.
Hinimok din ng punong lalawigan ang mga Bulakenyo na isaisip ang mga sakripisyo ng kanilang mga ninuno at pahalagahan ang mayamang pamana ng lalawigan na sumasagisag sa katatagan ng mga Bulakenyo sa kasalukuyan.
Kaugnay nito, opisyal na inilunsad ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office ang pangatlong librong pamana na “SINEliksik Bulacan: Bayani ng Kanyang Panahon, Inspirasyon Natin Ngayon!” na nagtatampok sa mga bayaning Bulakenyo ng digmaang Pilipino-Kastila at Pilipino-Amerikano; at ang mga frontliner bilang mga bayani sa panahon ngayon habang patuloy na nakikipaglaban ang lalawigan sa pandemyang COVID-19.
Batay sa New Provincial Administrative Code, kinikilala ang Agosto 15, 1578 bilang araw ng pagkakatatag ng lalawigan. (CLJD/VFC-PIA 3)