Bulacan handa na sa ika-162 kaarawan ni Plaridel

    521
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS —Walang pasok sa Bulacan sa Huwebes, Agosto 30 kaugnay ng pagdiriwang ng ika-162 kaarawan ng dakilang propagandista na si Gat Marcelo H. del Pilar.

    Kaugnay nito, inIlahad ng kapitolyo ang dalawang proyekto na kanilang isinusulong na may kaugnayan sa bayaning itinuturing na ama ng makabagong pamamahayag sa bansa.

    Ito ang pagtatayo ng isang bantayog ni Del Pilar sa harap ng Kapitolyo ayon sa itinatakda ng New Provincial Administrative Code (Nepac) ng Bulacan, at ang pagtatangka na muling maipangalan sa bayani ang North Luzon Expressway (NLEX).

    Ayon kay Provincial Administrator Jim Valerio, ang kaarawan ni Del Pilar na mas kilala sa pangalang “Paridel” ay isang deklaradong holiday sa Bulacan bilang pagpupugay sa bayani at kontribusyon nito sa kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng panulat.

    Binigyang diin niya na si Plaridel ay nagtapos ng kurso bilang manananggol ngunit higit na nakilala sa kanyang panulat na bumatikos sa mga pagkakamali ng pamahalaang Kastila at patakaran ng mga prayle.

    “Si Plaridel ay isang halimbawa ng isang Bulakenyo at Pilipinong nagmahal sa bayan at ginamit ang kakayahan upang imulat ang kaisipan ng mamamayan,” ani Valerio.

    Ang pagdiriwang ng ika-162 kaarawan ng bayani ay isasagawa sa Pambansang Dambana ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa bayan ng Bulakan.

    Ang magsisilbing panauhing tagapagsalita sa nasabing pagdiriwang ay si Kinatawan Juan Edgardo Angara Jr., ng lalawigan ng Aurora.

    Kaugnay nito, inilahad ni Valerio na pinag-aaralan na ng Kapitolyo ang pagtatayo ng bantayog ni Plaridel sa harap ng gusali ng pamahalaang panglalawigan sa lungsod na ito.

    Ito ay batay sa panukala ng Sangguniang Bayan ng Bulakan na nagpatibay ng isang resolusyon na ipatupad ng Kapitolyo ang isinasaad ng Nepac.

    Inayunan din ito ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), kasama ang Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka) at ang mga kaanak ni Del Pilar sa pangunguna ni Abogada Benita marasigan Santos.

    Una rito, nagsumite na ng disenyo ang Sampaka para sa itatayong bantayog ni Plaridel.

    Bukod rito, inihalad ni Valerio na kasalukuyang nagsasaliksik ang Kapitolyo para muling maipangalan sa bayani ang NLEX.

    Ayon sa mga historyador ng lalawigan, ang NLEX ay unang tinawag na Marcelo H. Del Pilar Expressway.

    Ito ay nakakaugnay ng South Luzon Expressway na dati ay tinawag na rin bilang Gat. Jose Rizal Expressway.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here