LUNGSOD NG MALOLOS— Maisusubasta na ang matagal nang naantalang multi-bilyon pisong Bulacan Bulk Water Supply Project (Bulacan Bulk) bago matapos ang taon, ayon sa mga opisyal.
Tiniyak din nila na magiging mababa ang water rate o presyo ng pagpapadaloy ng tubig sa Bulacan kumpara sa Kalakhang Maynila.
Ngunit ang hindi nila matiyak ay kung hindi ipapataw ng magpapadaloy ng tubig mula sa Bulacan Bulk ang buwis sa mga Bulakenyong padadaluyan ng tubig mula sa Angat Dam, katulad ng ginawa sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), umaasa sila na malalagdaan ni Pangulong Aquino ang kasunduan para sa proyekto sa susunod na 60 araw.
Ang paglagda ng Pangulo ay susundan ng paglalathala ng notice of bidding at aktuwal na pagsusubasta.
Dahil dito, umaasa sila na maisusubasta ang konstruksyon ng pasilidad na gagamitin para sa multi-bilyong pisong proyekto bago mataposang taon. “Let’s give it until before the end of the year,” ani Esquivel at sinabing hindi madaling tipunin ang mga kasaping bumubuo sa National Economic Development Authority board.
Iginiit pa niya na ang mga unang bayan sa lalawigan na makikinabang sa proyektong Bulacan Bulk ay ang Marilao, Obando,Pandi at ang Lungsod ng Meycauayan. Inayunan din ni Esquivel ang panukala ni Gob. Wilhelmino Alvarado na mas magiging mababa ang bayad sa padadaluying tubig sa Bulacan Bulk.
Ito ay dahil sa ang tubig na magmumula sa Angat Dam ay bahagi ng water right ng Bulacan na ipinagkaloob ng MWSS Board noong dekada ‘90. Batay sa mga naunang plano, maglalatag ng malalaking pipeline mula Ipo Dam patungo sa magsisilbing reservoir ng tubig kung saan iyon ay lilinisin o isasailalim sa treatment.
Pagkatapos linisin ang tubig, ito ay padadaluyin sa mga pipeline ng mga water district sa lalawigan upang padaluyin naman sa bawat tahanan. Ayon kay Esquivel, nakipagpulong na siya sa pamunuan ng Bulacan Association of Water Districts at umayon ang mga ito sa pamamagitan sa paglagda sa isang commitment.
“They signed a commitment on the volume of water they will get from Bulacan Bulk,”ani Esquivel. Kapag nagsimula na ang operasyon ng Bulacan Bulk, ang mga ground water o balon sa ilalim ng lupa sa Bulacan ay gagamitin na lamang ng mga water district kung may mga emergency.
Batay sa pag-aaral ng National Water Resources Board noong unang bahagi ng dekada ‘90,ang ground water sa Bulacan ay unti-unti ng natutuyo.