LUNGSOD NG MALOLOS – Muling tiniyak ng kapitolyo ang kahandaan upang tulungan ang mga Bulakenyong overseas Filipino workers (OFWs) na napauwi dahil sa kaguluhan sa bansang Syria at Libya.
Ito ay matapos tulungan ng kapitolyo ang unang 115 OFWs na galing ng Libya sa pamamagitan ng pagpapautang ng P50,000 hanggang P100,000 upang makapagsimula ng negosyo sa lalawigan.
Kaugnay nito, nag-alok din ng tulong ang Blas F. Ople Policy Center sa mga kaanak ng OFWs na kasalukuyan pang naiipit sa gulo sa Syria at Libya sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila.
“Higit kailan, ngayon higit na nangangailangan ng tulong ang mga kababayan nating OFWs na napauwi dahil sa kaguluhan sa ibayong dagat,” ani Gob. Wilhelmino Alvarado matapos ipamahagi ang mga tulong pang-alalay sa mga Bulakenyong OFWs.
Sinabi niya na sa mahabang panahon, ang mga OFWs ay naging kaagapay sa kaunlarang pang-ekonomiya ng bansa dahil sa ipinadadalang pera ng mga ito sa kanilang mga pamilya.
“Ito ang pagkakataon natin na alalayan sila upang makapagsimula ng maliit na negosyo,” ani ng punong lalawigan.
Iginiit pa niya na, “ang pag-alis ng ating mga kababayan para magtrabaho sa ibang bansa ay isa lamang option. Inilalatag na natin ang mga programa na kung saan marami ang maghahanapbuhay dito sa ating lalawigan at hindi malayo sa kanilang pamilya at mahal sa buhay.”
Ang 115 unang Bulakenyong OFW ay nagsipagpatala sa Provincial Cooperative and Economic Development Office ng kapitolyo matapos mapauwi noong Enero at Pebrero dahil sa pagsiklab ng kaguluhan sa bansang Libya.
Kasunod nito ang pagsasailalim sa kanila sa mga pagsasanay sa pagnenegosyo at ang pagpapautang.
Ayon kay Alvarado, ganito ring proseso ang kanilang gagawin upang tulungan ang iba pang mga Bulakenyong OFWs na mapapauwi sa mga susunod na araw.
Samantala, inialok naman ni Susan “Toots” Ople ang tulong ng Blas F. Ople Policy Center para sa mga kaaanak ng mga OFW na naiipit sa Syria at Libya.
Si Toots ay bunsong anak ng yumaong si Senador Blas F. Ople ng Hagonoy. Ang batang Ople ang kasalukuyang namumuno sa policy center na ipinangalan sa kanyang ama.
Ang nasabing policy center ay itinatag upang tumulong sa mga OFWs at maging sa mga biktima ng human trafficking at ng mga illegal recruiters.
Ayon kay Toots, sinumang may kaanak na kasalukuyang naiipit sa Syria o Libya ay maaring tumawag o magpahatid ng email sa kanila upang maiugnay nila sa mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang Blas F.Ople Policy Center ay maaaring tawagan sa numerong (02) 833-5337, samantalang ang kanilang email address ay blasoplecenter@gmail.com
“We are ready to help OFWs and we will readily coordinate with the DFA or DOLE,” ani Toots na minsan ay nagsilbi bilang labor undersecretary.
Binigyang diin niya na makikipag-ugnayan sila sa DFA at DOLE sa oras na matanggap ang impormasyon hinggil sa mga OFWs na naiipit sa dalawang bansa.