MALOLOS CITY —Posibleng kapusin ng tubig ang ilang sakahan sa Bulacan sa mga susunod na linggo dahil sa patuloy na pagkaubos ng tubig sa Angat Dam.
Dahil dito, ilang magsasaka ang nagpahayag ng pangamba na hindi makaani, samantalang ang ilan naman ay nagsabing nakaani na sila at hindi na muna kailangan ang tubig. Ang tubig sa Angat Dam noong Linggo ay naitalang bumaba sa 185.86 metro na lamang.
Ito ay mahigit limang metro na lamang ang taas bago sumayad sa kritikal na 180 metro kung kailan ang alokasyon sa patubig sa magasasaka mula sa dam ay ipatitigil. Ito ay upang matiyak na may sapat na padadaluying tubig upang may mainom ang may 13 milyong populasyon ng Kalakhang Maynila.
Sa bayan ng Pulilan, sinabi ni Rolando Cabrera ng Barangay Sto. Cristo na katatapos lang mag-ani ng mga kasama niyang magsasaka kaya “Puwede nang putulin ang alokasyon sa amin para may magamit yung iba.”
Gayundin halos ang naging pahayag ni Melencio Domingo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council (CAFC). Ngunit may bahagi pa rin ng mga bukirin sa lungsod na nangangailangan ng patubig.
“Nag-aanihan na sa Malolos, maliban na lang sa Barangay Matimbo,” ani Domingo. Ipinaliwanag niya na ang Barangay Matimbo ay palagiang kinakapos ng alokasyon sa patubig dahil nasa dulo ng kanal ng irigasyon ang nasabing barangay.
Sa bayan ng Bocaue, iginiit ni Ramon Lazaro, isang mamamahayag at dating tagapangulo ng Barangay Agrarian Reform Committee (BARC) na halos 10 taon ng hindi nararating ng patubig ang ilang barangay sa kanilang bayan kabilang dito ang mga bukirin sa mga barangay ng Wakas, Bambang, Sulucan, at Bagumbayan.
Una rito, sinabi ni Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (AERHEPP) na kapag sumayad sa kritikal na 180 metro ang water elevation sa dam ay wala silang magagawa kundi putulin ang alokasyon sa magsasaka.
Ang ARHEPP ay isang ahensiya ng National Power Corporation (Napocor) na namamahala sa Angat Dam na matatagpuan sa bayan ng Norzagaray ay ang pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng Kalakhang Maynila.
Noong nakaraaang linggo, nanawagan sa mga residente ng Kalakhang Maynila si Gladys Sta. Rita, pangulo ng Napocor upang magsipagtipid sa tubig. Ito ay dahil sa patuloy ang pagkaubos ng tubig sa dam sanhi ng kawalan ng ulan.
Inilahad din ni Sta. Rita ang planong pagsasagawang cloud seeding operation sa dam. Ito ay nakatakdang gastusan ng halagang P1.2 milyon. Ayon kay Sta. Rita, nakipag-ugnayan na rin siya sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System upang sagutin ang gastos sa pagsasagawa ng cloud seeding operation.