Buhay ni Ka Blas, tagumpay ng isang ‘promdi’

    394
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Ipinagbunyi ng mga opisyal sa Bulacan ang buhay ni dating Senador Blas F. Ople at inihalintulad ito sa tagumpay ng isang “promdi” na nakipagsapalaran sa lungsod.

    Ito ay kaugnay ng pagdiriwang noong Biyernes, Pebrero 3,ng ika-85 kaarawan ng dating senador na nagmula sa Hagonoy na mas kilala sa tawag na “Ka Blas.”

    Ang pagdiriwang ay pinangunahan nina Gob. Wilhelmino Alvarado, Bise-Gob. Daniel Fernando, Bokal Felix Ople at ni Cynthia Villar ng Partido Nacionalista na nagsilbing panauhing tagapagsalita.

    “Walong taon matapos siyang pumanaw, patuloy nating ginugunita ang kaarawan ni Ka Blas dahil ang kanyang kasaysayan at karanasan ay isang masayang awit ng tagumpay,”  ani Alvarado.

    Inilarawan ni Alvarado ang buhay ng yumaong Senador  bilang “tagumpay ng isang probinsiyano sa isang malaki at malupit na lungsod.”

    Ayon kay Alvarado, kahanga-hanga ang tagumpay ni Ka Blas dahil sa ito ay nagpakita ng  “karakter ng tao laban sa mga puwersa na akala natin ay hindi kontrolado ng kanyang mga kamay.”

    Binigyang diin pa niya na ang buhay ng dating Senador ay “tagumpay ng pangarap laban sa marahas na realidad, tagumpay ng potensiyal  ng isang bagong tao laban sa bundok ng mga balakid, tagumpay ng paghihimagsik laban sa pagpapatianod,  tagumpay ng hindi malupig na espiritu ng tao at ng katatagan ng kanyang pananalig, tagumpay ng karunungan at katarungang panlipunan at dignidad ng pambansang  pamayanan,  tagumpay ng katwiran at katinuan laban sa katiwalian at karimlan, tagumpay ng konsensiya sa pita ng laman, tagumpay ng katapatan sa Konstitusyon at pananalig sa paghahari ng batas, at tagumpay ng integrasyon ng buong bansa at pagkakaisa ng sambayanan.”

    Para naman kay Villar, “si Ka Blas ay isang natatanging lider at Bulakenyo, dapat siyang gayahin at maging huwaran.” 

    Si Villar ay maybahay ni Senador Manny Villar, ang pangulo ng Partido Nacionalista na kinabibilangan ni Ka Blas bago siya napabilang sa Kilusang Bagong Lipunan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

    Inayunan din ni Bise Gob. Fernando ang pahayag ni Villar.

    Sa kanyang maikling talumpati sa pagbubukas ng palatuntunan, sinabi ni Fernando na si Ka Blas ay isa sa iilang Bulakenyo na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa kasalukuyang henerasasyon.

    Bilang tugon  naman, binasa ni Bokal Felix Ople ang isang mensaheng isinulat ng kanyang ama sa paggunita ng ika-80 kaarawan nito noong 2007.

    Ayon sa batang Ople, kung nabubuhay ang kanyang ama, tiyak na ito rin ang sasabihin.

    Ganito ang sinasabi sa binasang pahayag ng batang Ople na sinulat ng kanyang ama: “A birthday is a summing up, an event that recapitulates a whole life.

    I have experienced God’s miracle in my own life, transforming a poor boy from Hagonoy to a public figure of some consequence in our country. 

    If there are worthy strands in that life, one has the privilege to offer them to the Lord God in heaven, and on earth to my country and community.  Whatever remains of that life, I have resolved to consecrate to the common good, to the welfare of my country and humanity.”

    Si Ka Blas ay panganay na anak nina Felix at Segundina Ople, at isinilang noong Pebrero 3, 1927 sa bayan ng Hagonoy.

    Nagtapos siya bilang valedictorian sa Hagonoy Elementary School, ngunit bago siya nakatapos ng high school ay napabilang  siya sa Del Pilar Regiment  ng Bulacan Military Area (BMA) na nagpasuko at dumakip kay General Tomoyuki Yamashita  sa Kiangan sa pagtatapos ng ikalawang digmaaang pangdaigdig.

    Matapos ang digmaan, nagtrabaho si Ka Blas bilang kargador sa North Harbor kung saan ay nakita niya ang hirap ng mga trabahador na sumailalim sa “cabo system.”

    Dahil sa angking kakayahan sa pamamahayag, natanggap siya bilang deskman sa Daily Mirror, isa sa mga pahayagan ng Manila Times.

    Noong dekada 60, napasama si Ka Blass a kampanya ng yumaong si Pangulong Ramon Magsaysay, at di nagtagal ay sa kampanya ni Marcos noong 1965.

    Siya ay itinalaga ni Marcos bilang Ministro ng Paggawa, kung kailan ay inakda niya ang Labor Code ng bansa na nagbukas ng pinto sa milyong Pilipino kaya’t tinagurian siya bilang “Ama ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

    Matapos ang Edsa Revolution, si Ka Blas ay nahalal bilang Senador noong 1992, at sa kanyang ikalawang termino, nahalal siya bilang Pangulo ng Senado.

    Hindi niya natapos ang kanyang ikalawang termino dahil sa itinalaga siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA).

    Si Ka Blas ay pumanaw noong ika-14 ng Disyembre 2003 samantalang nasa eroplano patungong Bahrain mula sa Tokyo, Japan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here