Home Editorial Contents Buhay ang sentro ng kabayanihan

Buhay ang sentro ng kabayanihan

2246
0
SHARE

SUMASALUDO ANG Komisyon sa mga Karapatang Pantao sa bawat bayaning Pilipino na nangangahas na suungin ang hamon ng panahon, at nag-aalay ng oras, dedikasyon, at buhay upang iangat ang kalagayan ng kanyang kapwa sa oras ng pangangailangan.

Walang iisang mukha o sukatan ang kabayanihan. Sa panahon ng krisis o anumang uri ng pagsubok umuusbong ang mga indibidwal at organisasyon na may kakaibang tapang at lakas ng loob na rumesponde’t tumulong. Tunay na malasakit ang nag-uudyok sa isang bayani upang maisakatuparan ang mga pagbabagong hinahangad, at hindi pansariling interes ang nangingibabaw sa bawat pagkilos.

Mula sa mga pananakop, giyera, diktaturya, at hanggang sa kasalukuyang pandemyang ating sama-samang sinusugpo, buhay ng tao ang sentro ng pakikipaglaban at bayanihan. Naniniwala kami sa malalim na pagpapahalaga ng sambayanang Pilipino sa buhay at kalayaan ng tao. Isinisiwalat na mismo ng ating kasaysayan ang hindi matatawarang tagumpay ng ating mga ninunong bayani na nanindigan nang maharap sila sa hirap at panggigipit mula sa iba’t ibang pwersa ng lipunan.

Ngayong krisis pangkalusugan ang ating binabaka, mahalagang bigyang pugay natin ang mga frontliners na araw-araw bumabangon upang magligtas ng buhay at sinisigurong malayo sa anumang kapahamakan ang mga mamamayan. Hindi rin matatawaran ang pagtugon ng iba’t ibang indibidwal na patuloy na itinataguyod at dinedepensahan ang karapatang pantao ng mga bulnerable at marginalisadong komunidad, lalo na sa panahong maraming pagtatangkang patahimikin ang pagpuna’t sikilin ang batayang kalayaan ng mga mamamayan.

Gaya ng sinumang bayani, hindi naman maisasakatuparan ang mga pagkilos na ito kung sila ay nag-iisa. Sa abot ng ating makakaya, lalung-lalo na ng mga institusyong may tungkulin na gumampan, kinakailangang mapaabot sa kanila ang nararapat na tulong at proteksyon upang mas lumago pa ang mabubuting adhikain na kanilang isinusulong.

Hindi natitigil sa araw na ito ang paggunita sa mga bayani. Nawa’y  araw-araw pa rin nating maging gabay ang diwa ng bayanihan at pakikipagkapwa sa pagbabahagi ng ating sarili sa iba, gaano man kaliit o kalaki ito. Kinakailangang hindi mawaglit sa ating kamalayaan na ang mga karapatan at kalayaan na tinatamasa natin ngayon ay produkto ng iba’t ibang yugto ng kabayanihan na kinakailangang patuloy nating pangalagaan at ipaglaban.

Muli, pinakamataas na saludo sa iyo, bayaning Pilipino!

(Pahayag ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao sa paggunita ng Araw ng mga Bayani)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here