MALOLOS CITY – Nangilabot ang mga residente ng bayan ng Calumpit sa pananasala ng isang buhawi kamakalawa ng hapon na sumira sa bubong ng ilang bahay.
Ito ang ikalawang insidente ng pananalasa ng buhawi sa nasabing bayan sa loob ng anim na buwan, at ikalawa sa lalawigan sa loob ng tatlong linggo.
Ayon kay Jojo Tomas, municipal administrator ng Calumpit, walang nasugatan sa pananasala ng buhawi na tumagal ng may 15 minuto sa Barangay Gugo ng nasabing bayan.
Gayunpaman, ipinangamba ito ng maraming residente na kasalukuyang bumabangon sa epekto ng dalawang linggong malawakan at malalim na baha na nagpalubog sa kanila mula Setyembre 30.
Isa sa mga residente ang nagwika, “parang delubyo ang lakas ng hangin.”
Ayon kay Tomas, nagsimula ang pananalasa ng buwahi bandang 4:45 ng hapon noong Lunes sa Purok 1 ng Barangay Gugo.
Naging sanhi ito ng pagkasira ng bubungan ng ilang bahay at pagtanggal ng bubong ng kural ng baka ni Lilia Aguila’, at bubong ng garahe ni Roberto Dela Cruz.
Ayon naman kay Supt. Manuel Santos, Jr., hepe ng pulisya ng Calumpit, isang tricycle at isang side car ang natangay at naihagis ng malakas na hangin ng buhawi sa bukid.
Ang nasabing insidente ay ikalawa sa loob ng anim na buwan sa Calumpit at ikalawa rin sa lalawigan ng Bulacan sa nagdaang tatlong linggo.
Matatandaan na noong Mayo 9, nanalasa ang isang buhawi sa walong barangay ng Calumpit kung saan ay mahigit sa 41 bahay ang nasira.
Kabilang sa mga barangay na sinalanta ng buhawi noong Mayo ay ang mga barangay ng Balungao, Frances, San Miguel, Sapang Bayan, Poblacion, Meysulao, Corazon, and Gatbuca.
Nito namang Oktubre 18, isa pang buhawi ang nanalasa sa kalapit na bayan ng Hagonoy, ngunit wala ring iniulat na nasaktan.
Noong huling bahagi ng 2007, magkakasunod na nanalasa ang magkakahiwalay na buhawi sa mga bayan Bustos, Baliuag, San Rafael, Balagtas at San Miguel.
Batay sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) higit na malakas ang mga buhawing nanalasa sa lalawigan noong 2007 dahil sa mas malaki ang iniwang pinsala ng mga ito.