LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Ipinaliwanag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga benepisyo sa paggamit ng digital payments.
Kabilang ito sa mga tinalakay sa Media Information Session ng BSP North Luzon Regional Office na idinaos sa lungsod ng Cabanatuan.
Pahayag ni BSP Payments Policy and Development Department Deputy Director Tricia Defante-Andres, isinusulong ng tanggapan ang paggamit ng digital payments para makatulong sa mga konsyumer, negosyante at mga kagawaran ng pamahalaan.
Aniya, mas pinadali na ang financial transactions para sa mga kailangang bayaran o bilhin ng mga mamamayan dahil mayroon nang digital payments na nagagamit sa pamamagitan ng PESONet at InstaPay.
Sa pagkakaroon ng digital payments ay nabibigyang pagkakataon din ang mga micro, small and medium enterprises na makapag-onboard sa e-commerce o online business na nakatutulong para mas lumawak ang naaabot na merkado at mapataas ang kanilang kita.
“Ang paggamit ng digital payments ay lumilikha ng financial footprint o credit history, na maaaring makapagbigay ng access sa mga maliliit na negosyo upang madagdagan ang kanilang kapital at mapalago ang hanapbuhay,” ayon pa kay Andres.
Kaniyang sinabi na maliban sa mga konsyumer at negosyante ay nakatutulong ang digitalization sa pagsusulong ng transparency sa mga transaksiyon sa pamahalaan, gayundin sa pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mga benepisyaryo.
“Ang digital payments ay isang pamamaraan tungo sa financial inclusion na may layuning mas maraming tao ang maka-avail ng financial services, lalo na ang mga underserved nating mga kababayan,” giit ni Andres.
Kaugnay nito ay kaniyang ibinalita ang pagdami ng digital payment transactions sa buong bansa, na mula sa 14 porsyentong volume transaction ng digital payments noong 2019 ay tumaas ito sa 52.8 porsyento noong nakaraang taon.
Aniya, nalampasan pa nito ang 50 porsyento na target ng tanggapan na nakapaloob sa Digital Payments Transformation Roadmap ng 2020-2023.
“Ito ay magandang development para sa BSP na kailangang ituloy-tuloy para mas maraming Pilipino ang mabenepisyuhan sa paggamit ng digital payments,” dagdag pa ni Andres.
Samantala, ang Media Information Session ng BSP ay isinasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa upang makapaghatid ng kaalaman at impormasyon tungkol sa mga usapin at programa na may kaugnayan sa estado ng ekonomiya at pananalapi ng bansa. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)