Botante sa Bulacan bumaba ng 32,562

    635
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Nabawasan ng mahigit sa 30,000 ang bilang ng rehistradong botante sa Bulacan batay sa huling tala ng Commission on Elections (Comelec) nitong Nobyembre 16 kumpara sa naitalang bilang sa halalang pambarangay noong 2007.

    Ipinaliwanag ng Comelec na ilan sa dahilan ng pagbaba ng bilang ng rehistradong botante sa taong ito ay ang masusing paglilinis nila ng listahan kung saan ay tinaggal nila ang mga botanteng hindi bumoto sa nagdaang huling dalawang halalan, bukod pa sa mga namatay.

    Para naman sa ilang botante, wala silang interes na bumoto kaya hindi na sila muling nagparehistro, sapagkat nawalan na umano sila ng pag-asa na magbabago ang pamahalaan.

    Ayon kay Atty. Sabino Mejarito, provincial election supervisor ng Bulacan, umabot lamang sa 1,480,827ang rehistradong botante sa lalawigan na makakaboto sa makasaysayang 2010 automated elections.

    Ito ay mas mababa ng 32,562 kumpara sa1,513,389 bilang ng rehistradong botante sa lalawigan na naitala bago isagawa ang halalang pambarangay noong Oktubre 29, 2007.

    Sinabi ni Sabino na ang kasalukuyang bilang ng rehistradong botante sa lalawigan ay batay sa resulta ng isinagawang pulong ang Election Regulatory Board (ERB) noong Nobyembre 16.

    Ipinaliwanag niya na isa sa dahilan ng pagbaba ng bilang ng rehistradong botante sa lalawigan ay dahil sa paglilinis ng Comelec ng kanilang listahan kung san ay tinanggal nila ang mga botanteng hindi bumoto sa 2007 mid-term synchronized national and local elections na isinagawa noong Mayo 17, 2007; at sa halalang pambaragay na isinagawa noong Oktubre 29, 2007.

    “Tinanggal na namin sa listahan yung hindi bumoto sa huling dalawang halalan, pati yung mga namatay,” ani Mejarito.

    Sinabi niya na hindi rin sila nagkulang ng paalala sa mga nabubuhay pang botante na hindi bumoto sa nakaraang dalawang halalan dahil pinadalhan nila ang mga ito ng liham bilang paalala.

    “Basta lumitaw sa listahan namin na failed to vote twice, pinadalhan namin ng sulat, buhay man sila o patay, pero kung buhay, dapat ay nagpa-register uli sila para makaboto next year,” ani Mejarito.

    Isa sa dahilan kung bakit maging ang namatay ng botante ay pinadadalan pa nila ng liham ay dahil sa hindi alam na patay na ito, at ang basehan lamang nila ay ang talaan nila na hindi nakaboto sa huling dalawang halalan ang botante.

    “Sa totoo lang, we have no right to declare them dead.  Korte lang me karapatan na magdeklara noon,” ani Mejarito. Sinabi rin niya na hindi rin sila nabibigyan ng kopya ng mga death certificates ng rehistradong botante mula sa tanggapan ng mga civil registrar.

    Kaugnay nito, ilang rehistradong botanteng nakapanayam ng Punto Central Luzon ang nagsabing wala silang interes bumoto kaya hindi sila nagparehistro, o hindi bumoto sa mga nagdaang halalan.

    “Hindi na ako bumoto noong nakaraan at hindi na ko boboto sa 2010 dahil pare-pareho lang naman ang ibinoboto, wala mang nangyayari sa bayan,” ani Carolina Bautista ng Hagonoy na ipinagdiwang ang kanyang ika-70 kaarawan ilang buwan na ang nakakaraan.

    Ang ilan naman ay nagsabing, hindi sila nakatanggap ng liham mula sa Comelec, samantalang ang iba pa ay nagpahayag ng pagkailang sa panibagong sistema ng pagboto na ipatutupad ng Comelec sa susunod na taon.

    Ngunit para kay Mejarito, halos walang pagbabago sa proseso ng paboto at ito ay nakakatulad din lamang ng lumang proseso na naranasan ng mga botante sa mga nagdaang halalan.

    “Hindi naman binago ang proseso, pareho parin, inimprove lang yung ilang bahagi tulad ng pagbibilang ng boto at pagpapahatid ng kopya ng elections returns (ER),” ani Mejarito patungkol sa paggamit nila ng Precinct Count Optical Scanner (PCOS).

    Ang nasabing makina ay ilalagay sa mga clustered precincts o ang lima hanggang pitong presintong pinagsama-sama na may bilang ng botante na hindi tatas sa 1,000.

    Batay sa pahayag ng Comelec, matapos kulayan ng mga botante ang bilo-haba sa tapat ng kandidatong iboboto nila na nakasulat sa malapad na balota ay ipapasok iyon sa PCOS machine. Kapag natapos ang botohan sa ganap na ika-anim ng gabi ay awtomatikong bibilangin ang mga boto ng makina at ipapahatid ang ER sa ibat-ibang partido at grupong may akreditasyon ng Comelec.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here