Nagpapa-booster shot na mga senior citizens sa Bataan People’s Center. Kuha ni Ernie Esconde
LUNGSOD NG BALANGA — Nagsimula na nitong Lunes ang pagbibigay sa Bataan People’s Center dito ng booster shot sa mga kabilang sa priority group A2 (senior citizen) at A3 (mga taong may comorbidity) matapos masimulan ang sa mga A1 (frontline medical workers) noong isang linggo.
Tinatanggap ang mga walk-in na mga nakakumpleto ng primary vaccine doses o dalawang doses ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Sputnik V, at Sinovac pagkatapos ng anim na buwan o mahigit pa at tatlong buwan naman o mahigit pa matapos mabakunahan ng single-dose na Janssen.
Pinapipili ang mga tao kung anong brand ang gusto nilang bakuna bilang booster shot depende sa availability nito.
Ang mga nabakunahan ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Sputnik V, at Janssen ay maaaring tumanggap ng Pfizer, AstraZeneca, at Moderna bilang booster.
Para naman sa mga nabakunahan ng Sinovac, maaaring tumanggap ng Sinovac, Pfizer, AstraZeneca, o Moderna para sa kanilang booster shot.
Samantala, patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga aktibong kaso ng coronavirus disease sa Bataan na sa huling ulat noong Linggo ay 184 na lamang.
Sa kasalukuyan 29,385 na ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa Covid-19 sa Bataan matapos magtala ng anim na bagong kumpirmadong kaso: Balanga City – 3, Dinalupihan – 1, Limay – 1, at Mariveles – 1.
Anim din ang mga bagong gumaling na mula sa Bagac (2), Mariveles (2), Balanga City (1), at Orion (1) kaya umakyat sa 28,005 ang kabuuang bilang ng mga naka-rekober.
Isang apat na taong gulang na babae ang bagong namatay sa Balanga City na nagpataas sa bilang ng mga pumanaw sa virus sa 1,196.