BOCAUE, Bulacan — Sinalakay kagabi ng National Bureau of Investigation kasama ang Department of Agriculture ang isang bodega ng bigas sa Golden City na ilegal na nag-iimbak at naghahalo ng mga luma at ibat-ibang klase ng mga bigas.
Apat na tauhan na inabutan sa pagsalakay ang naaresto.
Ayon kay NBI director Jaime Santiago, pinaghahalo-halo sa nasabing bodega ang mga lumang imported rice at iba-ibang klase ng bigas, lalagyan ng kaunting pabango at pandan, at saka ibebenta na Class A o mamahalin na bigas.
Sa pagsalakay ng mga otoridad sa isang bodega ay tumambad dito ang mga nire-repack na mga bigas at inililipat sa bagong label na bigas gaya ng Coco Pandan at Bigas ni Juan.
Ayon sa NBI ito ay klaro na manipestasyon ng rice hoarding.
Nakita din dito ang isang makina na umano’y ginagamit sa paghahalo at paglilinis ng bigas para magmukhang bago.
Ayon pa sa NBI, galing sa mga bansang India, Pakistan, at Vietnam ang mga lumang bigas na nadiskubre at isasalin sa sako na may local label para magmukhang bago at delikado na rin na makonsumo ng publiko.
Arestado naman ang apat na tauhan ng nasabing bodega na mga nagtatrabaho bilang manager, inventory officer, at dalawang packer.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad at inaalam na kung sino ang may-ari ng masabing bodega na maaring masampahan ng mga kasong adulteration, hoarding, profiteering, untruthful labeling, at economic sabotage.
Samantala ay sinisikap pa ng Punto na makuha ang panig ng may-ari ng nasabing sinalakay na bodega.