MALOLOS CITY – Ilulunsad ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) Bulacan chapter ang isang campus journalism awards matapos nitong mapagkasunduan sa isang pulong kaugnay ng halalan ng grupo noong Lunes.
Ang nasabing gawad parangal ay bilang alaala sa Bulakenyong statesman at mamamahayag na si Blas ”Ka Blas” F. Ople na nagsilbing Ministro ng Paggawa, Pangulo ng Senado at Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng bansa.
Ayon kay Dino Balabo, ang halal na taga-pangulo ng NUJP-Bulacan, ang nasabing parangal ay naglalayong makahikayat ang mga kabataang mamamahayag at higit na mabigyang pansin ang kahalagahan ng malayang pamamahayag.
“Bilang mga mamamahayag, ang ating tungkulin ay hindi natatapos sa paghahatid ng balita, sa halip ay mayroon tayong responsibilidad na magbahagi ng ating kakayahang nahahasa sa araw-araw nating pagtupad sa tungkulin bilang mga mamamahayag,” ani Balabo na isang correspondent ng Philippine Star, Pilipino Star Ngayon at mga lokal na pahayagan tulad ng Mabuhay, Central Luzon Business Week and Punto Central Luzon.
Sinabi pa niya na katulad ng dakilang propagandistang si Marcelo H. Del Pilar, naghatid din ng inspirasyon si Ka Blas sa mga kabataan.
Iginiit pa ni Balabo na “tungkulin ng mga mamamahayag na Bulakenyo na ngayon na inspirasyong iyon ay gamitin upang mabigyan ng kasanayan ang mga kabataang mamamahayag.
Kaugnay nito, nagbuo na ng isang kumite ang NUJP-Bulacan upang buuin ang mga criteria sa nasabing gawad parangal na ilulunsad sa loob ng dalawang buwan.
Bukod dito, ilan sa mga nabuon plano para sa susunod na 12 buwan ng NUJP-Bulacan ay ang pagsasagawa ng pagsasanay para sa mga kabataan at maging sa mga lokal na mamamahayag.
Kabilang dito ay ang pagsasanay sa pagsusulat ng balita, opinion, sportswriting, photojournalism at lay-outing para sa mga kabataang mamamahayag; at disaster, environment, agriculture reporting, journalism ethics at press freedom para sa mga lokal na mamamahayag.
Bukod kay Balabo, ang iba pang halal na opisyal ng NUJP-Bulacan chapter ay sina, Rommel Ramos ng GMA 7 at Punto Central Luzon (Deputy chairman), Maria Bundoc-Ocampo ng Punla (Secretary), Jeeno Arellano ng Punla (Treasurer), at Dennis Gosuico ng Manila Bulletin bilang Auditor.