Ito ang panawagan nitong Martes ni Rowena dela Rosa ng Orion, Bataan sa driver ng diumano’y Starex Gold na nakadumog sa tricycle na sinasakyan ng kanyang asawang si Jaime dela Rosa, 56, noong madaling araw ng Oktubre 2.
Sakay ng tricycle at papasok noon si Jaime sa Second Engineering District ng Department of Public Works and Highways bilang maintenance foreman nang mabangga ang tricycle sa bahagi ng Roman Superhighway papasok sa kanto patungo sa DPWH office sa Balanga City.
Nasugatan ang tricycle driver ngunit ligtas ito. Hindi tumigil ang nakabanggang sasakyan.
Batay sa report, nakahinto ang tricycle upang lumiko sa kanto ngunit parating naman ang van at nabangga ang tricycle. Isinugod si dela Rosa sa Bataan General Hospital sa Balanga City ngunit agad inilipat sa Jose B. Lingad Memorial Hospital sa San Fernando, Pampanga.
Namatay ito noong Linggo, October 8.“Ang dahilan ng kanyang kamatayan ay dahil sa spinal cord injury. May sugat siya sa ulo, bali ang braso at walang pakiramdam ang mga hita. Tumilapon siya sa tricycle,” sabi ng asawa. Ayon kay Cesar Quindoy, kasamahan ng biktima sa DPWH, nagtulong-tulong silang magkakasama upang makakuha ng kopya ng CCTV mula Bataan hanggang Pampanga.
May kalabuan ang plate number sa CCTV at hindi nakuha ang aktual na banggaan sa Balanga City sa harap ng isang gasoline station pasado alas-5 ng madaling araw.
Isang Starex Gold diumano ang lumitaw sa mga kopya ng CCTV sa mismong accident site sa Balanga City, sa Samal, Bataan. at sa Prado Siongco at San isidro sa Lubao, Pampanga na ibibigay nila sa Land Transportation Office sa Balanga City, sabi ni Quindoy.