Home Headlines Biyahe patungong Jerusalem

Biyahe patungong Jerusalem

615
0
SHARE

ANG EBANGHELYO natin ay tungkol sa simula ng biyahe ni Hesus patungong Jerusalem kaya ang title ng homiliyang ito ay TRIP TO JERUSALEM. Dito sa atin, ang “trip to Jerusalem” ay isang game na nilalaro sa mga party. Ewan ko kung sino ba ang nang-imbento ng laro na ito at kung bakit ba ito tinawag na “trip to Jerusalem.”

Sa larong ito, kailangan ng 12 katao, tatayong nakapalibot sa 11 upuan na inayos na pabilog. Kapag nagsimula na ang tugtugan, pasasayawin sila habang umiikot sa mga upuan hanggang biglang titigil ang musika at pauupuin sila. Dahil kulang ng isa ang mga upuan, mag-uunahan sila at ang hindi makaupo ay talo, eliminated na siya. Sa bawat round of elimination, babawasan din ng isa ang mga upuan at uulitin na naman ang musika, pasasayawin na naman sila, at sa muling pagtigil ng tugtugan mag-uunahan na naman sila para maulit na naman ang elimination ng sinumang hindi makakuha ng upuan. Uulit-ulitin ito hanggang dalawa na lang ang contestants at isa na lang ang upuan at ang unang makaupo dito pagtigil ng musika ang siyang panalo.

Dahil ang alam kong trip to Jerusalem ay ang biyahe ng Panginoong Hesukristo na humantong sa pagbubuwis niya ng buhay para sa ating katubusan, nagtataka ako kung bakit tinawag na Trip to Jerusalem ang larong ito. Parang mas bagay na tawaging Trip to Hell, o biyaheng impyerno. Kasi ang sikreto ng pagpanalo ay unahan, tulakan, at gitgitan. Walang iniisip kundi ang maunang makaupo, ma-eliminate ang iba, hanggang sa mag-isa ka na lang at ikaw ang mananalo sa premyo. Matira ang matibay, kumbaga. Hindi prinsipyong tao kundi udyok ng pagkahayop.

Sa ebanghelyong binasa natin, habang nagbibiyahe daw ang mga alagad papuntang Jerusalem, may nagtanong kay Hesus, “Totoo bang kakaunti lang ang maliligtas?” Palagay ko ang tanong na ito ang naging inspirasyon para sa larong TRIP TO JERUSALEM. Ang nagtatanong ay parang contestant na kumpyansa na siya ay mapapabilang sa mananalo at magkakamit ng premyo.

Ang ganitong mentalidad ang sinalungat ni Jesus sa kanyang mga kababayan. Ang pag-aakala na porke’t sila’y “chosen people” o bayang pinili ng Diyos at anak at apo ni Abraham ay sigurado na ang kanilang kaligtasan. Sa ating first reading, narinig natin na sinalungat din pala ng propeta Isaias ang ganitong mentalidad. Sa orakulong binigkas niya, darating daw ang panahon na titipunin ng Diyos ang lahat ng mga bansa, hind lang ang Israel. Pagkakaisahin sila at gagabayan daw sa isang “trip to Jerusalem,” patungo sa sagradong bundok upang makibahagi sa kadakilaan ng kanyang kaharian. Hindi elimination ang hangad ng Diyos kundi “inclusion.” Hindi niya kalooban na mabawasan kundi ang madagdagan ang kanyang bayang pinili. Magiging bukas para sa lahat.

Sa ating second reading, sinasabi ng manunulat na huwag daw kalilimutan na ang paalala ng Diyos sa kanila bilang mga “anak.” Ang mga anak na tinutukoy ay mga miyembro ng bayang Israel, mga anak at apo ni Abraham, ng bayang pinili ng Diyos. Dahil nga kasi kung minsan, kung umasta sila ay parang mga batang laki sa layaw na masyadong adelantado, masyadong kampante na sila’y papaboran ng Diyos. Paalala niya, dahil nga sila’y tinuturing niyang mga anak niya, sila ay sasawayin o didisiplinahin ng Diyos para matuto.

Hindi naman tinawag ng Diyos sina Abraham, Isaac, at Jacob upang sila lang ang makinabang sa pagpapalang kaloob ng Diyos sa daigig. May misyon sila. Pinagpala sila upang sa pamamagitan nila ay makaabot sa buong daigdig ang pagpapala ng Diyos. Ito ang temang inulit-ulit natin noong 2021 nang ipagdiwang natin ang 500th year of Christianity: “Gifted to give; blessed to be a blessing.” Hindi pa tayo Kristiyano kung ang kaligtasang hangad natin ay para sa atin lamang. Ang maging Kristiyano ay ang makiisa sa buhay at misyon ni Kristo, para sa katubusan, hindi lang ng iilan kundi ng buong daigdig.

Ang ganitong diwa ng misyon ang dala-dala ng ating mahal na patron na si San Exequiel Moreno nang mapadpad siya sa atin dito sa Pilipinas bilang isang Misyonerong Recoleto. Iniwan niya ang kanyang bayan sa Espanya at dito sa atin nagmisyon—sa Iloilo, sa Maynila, sa Mindoro, sa Puerto Princesa. Pinag-aralan niyang mabuti ang Tagalog upang maipahayag ang Mabuting Balita sa mga katutubo sa paraang maiintindihan nila.

Bumalik siya sandali sa Espanya para maging superior ng kanilang Mother Community sa Monteagudo, pero naglakbay na naman bilang misyunero patungong Colombia at doon siya ay ginawang obispo. Iyon ang kanyang last trip to Jerusalem, kumbaga. Hindi biyaheng ang layunin ay pansarili. Hindi biyaheng unahan, tulakan o gitgitan, kundi biyaheng naghahatid ng mabuting balita, naghahanap ng mas maraming maiuupo sa mga luklukan ng kaharian ng Diyos. Si Papa Francisco, madalas niyang banggitin ang layunin na mapalakas na muli ang “sense of mission” ng simbahan. Lagi niyang hinahamon ang mga Katoliko, lalo na ang mga parokya na lumabas at magmisyon sa mga nasa laylayan ng lipunan, at huwag maging kampante na lang sa iilan na pumapasok sa ating mga simbahan.

Nasabi ni Hesus sa ebanghelyo, marami daw ang manggagaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog na makikisalo sa hapag-kainan ng kaharian ng Diyos. At ang mapapabilang ay hindi iyung mga nag-aakalang sila lang ang maliligtas, na ang kaharian ay esklusibo para sa kanila lamang. Baka nga pag kumatok daw sila sa pintuan ay masabihan sila, “Hindi ko kayo kilala.” Bakit, dahil hindi nila alam ang pinagdaaanan ng mga dumanas ng hirap, gutom, sakit, pagkabilanggo. Ito ang sinasabi niyang makipot na daan na dapat nilang matutunang daanan. At sa dulo ng pagbasa, ang sabi niya, “Ang mga nagpapauna ay mahuhuli; ngunit ang mga nahuhuli ay mauuna.”

Siguro dapat baguhin ang larong TRIP TO JERUSALEM. Imbes na unahan sa pag-upo, pagtugtog ng musika, ang magpaparaya at magbibigay ng upuan sa mga mahihina ay magkakamit ng ekstrang upuan. Imbes na mabawasan, madadagdagan nang madadagdagan ang mga upuan upang ang lahat ay makaupo sa hapag kainan ng kaharian ng Diyos. Ganito naman kasi ang ipinangako ng Diyos sa kanyang mga alagad sa Mateo 19:28, “Sinasabi ko sa inyo, darating ang araw na babaguhin ng Dios ang mundo, at ako, ang Anak ng Tao, ay uupo sa aking trono. At kayong mga tagasunod ko ay uupo rin sa labindalawang trono upang husgahan ang labindalawang lahi ng Israel.”

(Homiliya para sa ika-21 Linggo ng Karaniwang Panahon, 21 Agosto 2022, Luk 13:22-30)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here