1.
Nang dahil sa lumalalang KORAPSIYON sa ating bansa
ilan sa mambabatas ang NAGHAIN ng panukala
kamatayan o bitay sa mga taong MASISIBA
na sa kaban nitong ating bayan ay NAGPAKASASA
kapag ito ay pumasa at NAISABATAS na nga
sa’ting mga pulitiko’y may MANGANGAHAS pa kaya?
2.
Na sila ay MANGURAKOT sa kaban ng ating bayan
na nanggaling sa BUWIS ng pobre nating kababayan
walang maglalakas loob na MAKIPAGSAPALARAN
na maagang salubungin ang kanilang KAMATAYAN
kahit na ang mga GANID at sa pera ay GAHAMAN
kapag bitay ang PARUSA takot ang mararamdaman
3.
Kapag pumasa ang batas marami ang MATATAKOT
hindi lang ang pulitiko na labis kung MANGURAKOT
kasama na pati rito mga masasamang loob
mga mamamatay tao, rapist at ang mga DRUG LORD
dahil sa ating LIPUNAN sila ang siyang nagdudulot
ng PIGHATI at LIGALIG sa’ting bayang iniirog
4
Ngunit mayrong bang PAG-ASA na ito ay maipasa?
upang sa saligang batas ganap itong MAPASAMA
kung ang mga nakapwesto sa SENADO at KAMARA
sa magandang panukala ay hindi MAGKAKAISA
dahil hindi naman LINGID na ang ilan sa kanila
diumano ay sangkot sa malawakang ANOMALYA
5.
Sa mga HONORABLE at magigiting na senador
at sa mga KONGRESISTA sino kaya ang papabor
na ito ay MAIPASA sa darating na panahon
upang sa bansa natin ay MATIGIL na ang korapsiyon
marahil ang mga taong sangkot sa pekeng FLOOD CONTROL
ang maaaring mag ABSTAIN at ang posibleng tumutol
6.
Lalo ngayon at may mga PANGALAN ang nababanggit
konggresita at senador na pilit IDINADAWIT
sa mga katiwalian na ang dulot ay PASAKIT
na magpasa hanggang ngayon TINATANGGI pa ring pilit
ang kanilang KAUGNAYAN sa mga taong nagdawit
sa lahat ng anomalyang TINATAGO pa ring pilit
7.
Ang panukalang BITAY ay dapat ng maisabatas
upang magbago ang takbo nitong bansang PILIPINAS
sa panahon natin ngayong ang korapsiyon ay TALAMAK
ito lang ang kasagutan at ang natatanging LUNAS
na kung baga sa halaman upang ganap na MAUTAS
ay kailangan ng bunutin ang napakalalim na UGAT



