Ang mga ibong mula sa ibang bansa na ang tawag ng mga magsasaka dito ay “tanaway” ay lumilitaw sa kabukiran sa sandaling paandarin ng magsasaka ang kanyang hand tractor o kuliglig na gamit pang-araro at pangsuyod.
Mula sa itaas ay lumilipad ang mga ibong pababa sa kanilang “target”, ang mga kulisap bilang pagkain, at mabilis na lilipad pataas. Ayon kay Ricky Mendoza, operator ng kuliglig, alas-5 pa lamang ng umaga sa sandaling paandarin niya ang kanyang makina ay agad nang maglalapitan ang mga ibon.
“Pagkatapos ng gawaan sa bukid ay nawawala na rin ang mga ibong ito,” sabi ng magsasaka.
Kahit mausok ang makinang pangsuyod sa unang andar nito ay hindi lumalayo ang mga ibon at nagsasalimbayan pa rin sa paglipad malapit sa kuliglig at magsasaka.
Sa maraming bahagi ng Bataan kung saan may nagsusuyod ng bukirin ay ganito ang tanawin. Sa tabi ng national highway sa Kilometer 45 marker ng Death March sa Balanga City ay nagsasalimbayan ang mga ibon na waring bantay sa magsasakang naghahanda ng kanyang taniman ng palay.
Ang Abucay ay kasunod na bayan ng Balanga na napili ng Department of Tourism bilang isa sa 13 bird watching sites sa Pilipinas. Matatagpuan sa Bataan ang maraming uri ng ibong migratory mula Setyembre hanggang Marso.