LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tinatawagan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga Bulakenyong tagapagmana ng mga ari-arian ng kanilang mga mahal sa buhay na namayapa na samantalahin ang pinalawig na Estate Tax Amnesty bago ang Hunyo 14, 2025.
Ang Estate Tax ay buwis na ipinapataw sa isang tagapagmana na nagmana ng isa o mga ari-arian ng kaanak na namatay.
Ayon kay BIR Revenue District Office No. 25A-West Bulacan Revenue Officer Efren Fritz Manalansan, sakop ng amnestiya ang mga nagmana sa kaanak na namatay noong Mayo 31, 2022 at paurong na mga taon.
Pinalawig ang Estate Tax Amnesty hanggang Hunyo 14, 2025 sa bisa ng Republic Act 11956.
Napaso o nawalan na ng bisa nitong Hunyo 24, 2023 ang naunang Tax Amnesty Act o Republic Act 11213 na inamyendahan ng Republic Act 11569.
Ipinaliwanag pa ni Manalansan na ang Tax Amnesty Law ay bahagi ng Comprehensive Tax Reform Program na pinasimulan ng nakalipas na administrasyong Duterte noong huling bahagi ng 2016.
Pinapayagan ng mga batas na ito na maging madali at abot-kaya ang pagbabayad ng estate tax.
Layunin din ng BIR na madagdagan ang nakokolektang buwis upang ipangtustos sa mga prayoridad na programa at proyekto na naaayon sa 2023-2028 Philippine Development Plan.
Kaya’t nag-aalok ang BIR ng anim na porsyentong estate tax amnesty rate sa bawat isang tagapagmana mula sa pagkamatay ng kanilang kaanak.
Hindi na sisingilin ng penalties sa bawat state of transfer of property, na naaayon sa umiiral na rules of succession sa ilalim ng Civil Code of the Philippines.
Saklaw nito ang transmission of properties, interests, at ang rights and obligations of the decedent. Ang minimum estate amnesty tax para sa paglilipat o pagmamana ng ari-arian ay nagkakahalaga ng P5 libo.
Batayan ng BIR sa pagtatakda ng halaga ng isang ari-arian ay kung magkano ito sa panahon na namatay ang kaanak na magpapamana.
Kabilang sa maaring maipamana ng kaanak na naninirahan at isang mamamayan ng Pilipinas ay ang real properties gaya ng bahay, lupa, palaisdaan, sakahan, makinarya at iba pang ari-arian na hindi natitinag.
Kasama rin ang mga nasa kategoryang real intangible gaya ng nailimbag na aklat, naisulat na kanta, nagawang likhang sining at iba pang gaya nito ay pwedeng ipamana.
Para sa mga non-resident aliens, tanging mga real at mga personal properties sa Pilipinas ang pwedeng mamana at maipamana.
Pinapayuhan ng BIR ang mga tagapagmana na bago sumadya sa mga tanggapan nito upang magbayad, tiyakin na naging malinaw ang naging usapan at pagkakaintidihan ng mga magkakamag-anak.
Kung wala ang isang dokumento na nagpapatunay ng pagmamana o anumang kailangan upang makapagmana, mangangailangan ito ng extra judicial intervention.
Tiniyak ng BIR sa mga lehitimong tagapagmana na handa ang bureau na ito na alalayan sila upang matulungang makasunod sa mga itinakdang rekisito.
Kasama sa mga kailangang isumite ang certified true copy ng Death Certificate, TIN ng nagpamana at magmamana, katunayang nabuwisan at nabayaran ang ari-ariang ipamamana at gayundin ang patunay na lehitimong tao ang tagapagmana.
Ilakip ang anumang government-issued ID ng tagapagmana o ng kinatawan nito.
Para sa documentary requirements sa real property, dapat ihanda ng tagapagmana ang certified true copies ng transfer, original condominium certificates o mga titulo ng mga real properties.
Gayundin ang certified true copy ng mga tax-declaration ng mga real properties kung wala pang titulo. Kung nagkaroon ng pagbabago o improvement sa ari-arian na mamanahin bago namatay ang magpapamana, dapat ding ipakita ang mga tax declaration na ang petsa ay malapit sa araw ng pagkamatay ng nagpamana.
Kung walang nabago o improvement na nangyari sa nasabing idineklarang aria-arian, kailangang kumuha ng certificate of no improvement ang tagapagmana sa city o municipal assessor’s office sa oras na namatay ang nagpapamana.
Para sa personal property, dapat iprisinta ng tagapagmana sa BIR ang Certificate of Deposit, Investment and Indebtedness na pag-aari ng isang nagpapamana.
Kasama rito ang certification of registration ng isang sasakyan kung mayroon man, certificate of stocks, proof of valuation ng shares of stock at iba pang personal na pag-aari.
Papayagan ng BIR na hulug-hulugan ang pagbabayad ng estate tax na may probisyong amnesty sa loob ng dalawang taon na wala nang babayarang penalties at interest.
Matatagpuan ang bagong BIR West at East Bulacan Revenue District Offices sa harapan ng ginagawang Guiguinto Flyover na nasa southbound lane ng Plaridel Arterial Bypass Road sa Guiguinto, Bulacan. (CLJD/SFV-PIA 3)