Kilalang angkan sa bayan ng Arayat
ang Alejandrino na may angking tatag,
tapang, talino at pagiging matapat
sa salita, gawa at responsibilidad
Na mababakas pa rin sa katauhan
ng kasalukuyang Alkalde ng bayan
ang simulain ng pagka-makabayan
nina Jose’t Casto, (na kanya pang taglay)
Ang karisma’t kakayahang mahikayat
itong taongbayan para maipamalas
ang di kasiyahan sa pamamalakad
nitong sa gobyerno ay nakatataas
Gaya noong nangakaraang panahon
kung saan matapos sakupin ng Hapon
ang Pilipinas nang mahigit tatlong taon,
pero Burgis naman itong nagpatuloy
Ang pang-aalipin sa kaawa-awa
nating magbubukid, na halos ay wala
ng natitira sa parti nila mula
sa asyendero o may-ari ng lupa
Kasi anhin na lang nitong mga sakim
na proprietaryo ay kanilang solohin
ang ani sa lupa (na patuloy pa ring
gawain ng iba pang nasa tungkulin).
(Na siyang noon pa man ay nais mabago
nina Luis Taruc at Casto Alejandrino,
sukdang kalabanin nila ang gobyerno,
makamit lamang simulain nito.
Pero tama’t nagkaroon ng ‘land reform’
ay di pa rin lubos naipatupad itong
batas na inakda ng dating Pangulong
Dadong Macapagal ng bayan ng Lubao!)
Kung kaya marahil kahit na pabiro
ay nasabi ng Alkaldeng bagong upo,
sa isang pamiting kung may gusto nga po
ng Rebulusyon na balak niyang itayo?
Kung saan ay hindi umimik ang lahat
sa pag-aakala na bagong pag-aklas
laban sa gobyerno ang balak itulak
nitong Alkalde na dating taga labas
Pero nang ituloy ng butihing Mayor
ang aniya ay ibang klase itong hamon
sa mga Kabalen ay biglang umugong
ang palakpakan sa lahat ng naroon
Nang isigaw niya na “Green Revolution”
ang tinutukoy niya – at di ng armadong
pakikipaglaban ang gustong isulong;
Sumaya ang lahat na ng naroroon!
At gaya ng pagkasabi ng masipag
na punongbayan ay sinimulan agad
nitong nakaraang Sabado ang dapat
ilunsad na rebulasyon sa Arayat;
Kasama ang local media at opisyal
ng naturang bayan sa pangunguna r’yan
ni Mayor Bon mismo at ang Unang Ginang;
katuwang ang Bise Alkalde ng bayan
Na si Monching Changcoco at ang iba pa,
kasama na pati ang ilang ‘teachers’ na
umalalay sa grupo ng local media
sa pagtatanim ng gulay sa eskwela!